“MAG-INGAT sa babaeng iyan. Kaya niyang patalsikin kahit ang Speaker. Ginawa niya ang operasyon bilang alkalde. Tingnan ninyo ang nangyari sa Kongreso. Natanggal si Alvarez, pahayag ni Pangulong Duterte nang magsalita siya sa 44th Philippine Business Conference and Expo sa Mania Hotel noong nakaraang Huwebes. Kinumpirma niya sa unang pagkakataon ang naging papel ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagpapatalsik sa kanyang kaalyado sa pulitika na si Cong. Pantaleon Alvarez. Siya, aniya, ang nagmaneobra.Tinawag pa niyang “operator” si Mayor Sara.
“Ang kamara ang talagang nagpasiya sa naging kapalaran ni Alvarez, kahit na totoo na gumamit ng impluwensiya ang anak ng Pangulo,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa hangarin niyang mapagaan ang inamin ng Pangulo na si Mayor Sara ang nasa likod ng pagpapatalsik kay dating Speaker Alvarez. Pero, narinig namin, aniya, na iyong mga bumoto laban kay Alvarez ay hindi kuntento sa kanyang pagpapatakbo ng Kamara. Nito lang nakaraang Biyernes nang magpaliwanag si Panelo hinggil dito nang kapanayamin sa radyo.
Pero, kinabukasan lumabas naman sa media ang kanyang paliwanag sa mismong sinabi niyang hinggil sa pagtaas ng pamasahe. “Hindi ko ginamit ang salitang whining (reklamo),” sa inilabas niyang pahayag bilang reaksyon sa headline ng Inquirer na nagsaad ng “Panelo: Stop whining about fare hikes.” “Makakaasa ang publiko na ang adminitrasyon, sa ilalim ng ating Pangulo, ay dinidinig ang reklamo ng ating mamamayan at ginagawa niya ang kanyang makakaya para malunasan ang problema,” sabi pa ni Panelo. Sana, aniya, ay maintindihan ng publiko ang kinakailangang pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan sa harap ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Dati-rati, si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ay tagapaliwanag lamang ng mga nasabi ng Pangulo. Binibigyan niya ng kahulugan ang mga nasabi nito na masakit at mabigat pakinggan upang maging magaan na tanggapin ng mamamayan. Kung minsan, kung alin ang katanggap-tanggap sa kanya na sa akala niya ay katanggap-tanggap sa makaririnig ay siyang sinasabi niyang iyon ang gustong sabihin ng Pangulo. Kaya, kahit alam niyang malayo ang kahulugan sa nasabi nito, malakas ang loob niyang gawin ito dahil alam niyang makabubuti ito sa kanya. Ang naging problema nga lang ni Roque ay kahit hindi niya alam ang isang pangyayari tungkol sa Pangulo, ipinahahayag niyang alam niya ito dahil akala niya ay hindi ito makasasama sa Pangulo.
Gaya halimbawa ng biglang pagkawala ng Pangulo sa mata ng publiko dahil sa naiulat na may karamdaman ito. Nang tanungin siya ng mga mamamahayag kung ito ay nasa pagamutan, sinabi niya na nasa Malacañang ang Presidente at nagpapahinga lang. Ngunit inamin ng Pangulo na nagtungo siya sa Cardinal Santos Memorial Hospital.
Tulad ni Roque, tagapaliwanag din si Panelo ng mga sinasabi ng Pangulo. Pero, hindi gaya ni Roque, tagapaliwanag din siya ng kanyang mga nasabi. Kasi, iyong gusto niya sanang sabihin ng Pangulo sa isyu, ay siya na ang nagsasabi dahil hindi ito nasabi o napagtuunan ng Pangulo ng pansin. Darami ang fake news.
-Ric Valmonte