TIYAK na papasok sa world rankings si Kevin Jake “KJ” Cataraja kapag tinalo niya ang knockout artist ding si Victor Hugo Reyes ng Mexico para sa WBO Youth super flyweight title sa Pinoy Pride 45 card sa Nobyembre 24 sa IEC Convention Center sa Barangay Mabolo, Cebu City.
Nagtapos ng kursong criminology ang 23-anyos na si Cataraja na huling tinalo si Indonesian Frengky Rohi via 3rd round knockout noong nakaraang Hunyo 16 sa Tabuelan, Cebu City para mapaganda ang kanyang kartada sa perpektong 8 panalo, 7 sa pamamagitan ng knockouts.
Kilala sa bansag na “Scarface” ang 22-anyos na si Reyes na may kartadang 9-1-1 na may 7 pagwawagi sa knockouts at huling tinalo sa puntos ang mas beteranong kababayan na si bantamweight Julio Castillo noong nakaraang Hulyo 7 sa Salon Premier sa Tijuana, Mexico.
Magsisilbing main event sa sagupaan ang depensa ni WBO Inter-Continenal super bantamweight titlist Albert Pagara laban kay Ghanaian featherweight champion George Krampah.
-Gilbert Espeña