Pinaigting pa ng mga opisyal at kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang pag-iinspeksiyon sa mga pamilihan sa Metro Manila kasunod ng pagtatakda sa suggested retail price (SRP) ng bigas, na ipinatupad simula kahapon.
Ayon sa report, sinimulan na kahapon ng DTI at DA ang pagpapatupad ng SRP sa bigas sa mga palengke, grocery, at supermarket.
Nabatid na ipatutupad ito batay sa apat na klasipikasyon ng bigas, tulad ng well-milled rice, regular-milled rice, premium rice at imported rice.
Layunin ng hakbanging ito na maiwasan ang kalituhan ng mamimili sa mga klase ng bigas, gaya ng Sinandomeng, Jasmine, Dinorado, at iba pa na pawang itinawag lang ng mga negosyante ng bigas.
Samantala, kinumpirma ng DTI at DA na bumaba na ng hanggang P6 ang presyo ng commercial rice sa mga pamilihan sa Metro Manila, partikular sa Kalentong Market sa Mandaluyong, kung saan mabibili na lang ng P40 ang kada kilo ng magandang klase ng bigas.
Inaasahang matatapyasan pa ngayong Martes ang presyo ng bigas ng P2-P3 kada kilo, bunsod ng pagdagsa ng supply ng murang bigas mula sa National Food Administration (NFA).
-BELLA GAMOTEA