ANG ilan sa nabubuhay pang mangingisda sa Laguna de Bay na taga- Barangay Poblacion Ibaba, Angono, Rizal ay pinuntahan ng inyong lingkod. Ang pangunahing layunin ay makapanayam at mabatid kung bakit naglaho na ang mga pamalakaya sa Laguna de Bay na laging gamit ng mga mangingisda. Nais din nating malaman ang mga species o mga uri ng isda sa lawa noon na kanilang nahuhuli sa kanilang pangingisda.
Ayon kay G. Simeon “Meto” Unidad, isang 98-anyos na mamumukot (tawag sa tauhan ng pukot o trawl). Mahigit dalawampung tauhan ang pukot. Bawat tauhan ay may tungkulin kapag naihulog na ang mga lambat ng pukot sa lawa. Mayroong 20 banatan (tawag sa mga lambat ng pukot). Kapag inihulog na ito sa lawa, umaabot sa isang ektarya ang sakop ng nasabing mga lambat. Ang ipunan ng mga nahuhuling mga kanduli at iba pang uri ng isda sa lawa ay tinatawag na “tarupit”.
Kapag nabatak na ang mga lambat at nailagay sa bangkang lambatan (tawag sa malaking pinaglalagyan ng mga lambat ng pukot), isinasara na ang pinakabukana ng “tarupit” upang hindi na makalabas ang mga nahuling isda. Bukod sa mga kanduli, nahuhuli rin ng pukot ang mga uri ng isdang tulad ng dalag, karpa, malalapad na ayungin, bidbid, buwan-buwan, at talilong (wala na ang mga isdang ito sa lawa). Nahuhuli rin ng pukot ang isdang TAGAN (parang pating na ang bibig ay may parang tabak na magkabila’y may nakausling mga tinik).
Ayon sa mga mangingisda, ang mga nasabing species ng isda ay dala ng tubig-alat na normal ang labas-masok sa Laguna de Bay. Napigil lang ito nang itayo ang Napindan channel sa Bgy. Napindan, Pasig City. Ang tubig-alat ang nagpapalinaw sa tubig ng lawa. Dumarami ang mga plankton na pagkain ng mga isda at tumutubo rin sa mababaw na bahagi ng lawa ang mga halamang tubig na DIGMAN at SINTAS na tirahan ng mga hipon na nahuhuli ng sakag.
Ang pamumukot o pagsama sa pukot ay naging pangunahing hanapbuhay sa Angono, Rizal noong dekada ‘50 hanggang dekada ‘70. Maraming may-ari ng pukot ang nagsiyaman at nakapagbigay ng hanapbuhay sa mga residente.
Kabilang sa mga malalaking pukot sa Angono, Rizal ay ang pukot nina “Dokyo” (Hilarion Capistrano), “Inggong Marahas” (Domingo Merced), Banez (Antonio Ibanez, ang unang alkalde ng Angono, Rizal), “Joe Mente (Clemente Vitor), “Asiang Pugo”(Deogracias Bautista na lolo ng inyong lingkod), “Ka Sese” (Jose Fuentes), Pedrong Gonyo” (Pedro Bautista), Impiang”(Olympia Miranda); “Kupeng” (Marcelino Concepcion), “Bukayo” (Daniel Concepcion), Dendong (Pedro Miranda), Tenek (Celestino Villamayor), Anteng Bemboy (Juan Samson) at Gurarap (Gregorio San Pedro).
Bukod sa pamalakayang pukot, ang mga maliliit na mangingisda ay nagpundar ng mga kitid, pante, sakag (panghuli ng mga hipon na isinasama sa pagkain ng mga inaalagaang itik); at pahuran (pangkahig ng mga suso na pagkain din ng mga inaalagaang itik).Ang mga nabanggit ay pawang yari din sa mga lambat.
Sa pagbabago ng panahon at mula nang itayo ang Napindan channel na pumigil sa pagpasok at paglabas ng tubig-alat sa Laguna de Bay, unti-unti nang nawala ang mga pukot sa Angono, Rizal. Kaya itinabi at ipinagbili na ang mga lambat at bangkang ginamit sa pukot. Sa ngayon, wala nang pukot sa Angono, Rizal. Ang mga maliliit na mangingisda ay gumagamit na lamang ng kitid at pante sa kanilang pangingisda sa lawa. May araw na maraming huling ayungin at biya. Ngunit may araw naman na kakaunti ang mga nahuling isda. Ang tiyempo o pagkakataon ng mga mangingisda na makahuli ng maraming bangus at tilapia ay kung mawawasak ang mga fishpen sa Laguna de Bay, bunsod ng bagyo.
-Clemen Bautista