“IYONG sasabihin mong wala namang laman, iyan ay cover-up. Nag kasala ka ng perjury,” sabi ni Deputy Collector for Passenger Service Lourdes Mangaoang kay Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña. Kaugnay ito ng apat na magnetic lifters na nakalusot sa BoC at natunton sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite na wala nang laman. Inihayag kasi ni Lapeña na walang laman ang mga magnetic lifters nang siya ay tumestigo sa pagdinig sa House Committee on Drugs ni Cong. Ace Barbers. Para patunayan ito, ipinakita niya ang dark images ng mga lifters. Pero, ayon kay Mangaoang, ilang araw bago nahanap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga magnetic lifters sa GMA, Cavite, ay tiniyak na ginamit ang mga ito para ipuslit ang shabu, ipinakita niya kay Lapeña ang mga kopya ng x-ray images ng mga shipping containers ng mga magnetic lifters. Ang tanong lang daw ni Lapeña sa kanya ay saan niya kinuha ang mga larawan at sino pa ang mga may kopya ng mga ito? Kahit 11 pulgada ang kapal ng bakal, makikita ng x-ray ang laman nito, eh 1.5 pulgada lamang ang kapal ng mga magnetic lifters.
Nauna nang nasabat ng BoC ang dalawang magnetic lifters sa Manila International Container Terminal (MICT) na naglalaman ng shabu na may halagang 3.4 bilyong piso. Ang mga magnetic lifters na ito ay kawangis ng mga magnetic lifters na natunton ng PDEA sa GMA, Cavite. Tinatayang ang shabu na laman ng mga ito ay may bigat na 1,600 kilograms, ayon kay Mangaoang. Nagkakahalaga ito ng 6.8 bilyong piso.
Walang araw na lumilipas na hindi naiuulat ang hinggil sa shabu. Laman ng araw-araw na balita ang pagkakasalakay ng mga pulis sa lugar na pianglulunggaan ng mga taong sangkot sa droga. Grupo silang gumagamit ng droga. Mayroon silang mga inaarestong mga nagtutulak at may napapatay dahil nanlaban daw ang mga ito. Naging normal na at pang-araw-araw na pangyayari ang mga ito, kasi nagkalat na ang droga sa bansa.
Bakit nga ba hindi, eh bilyung-bilyong pisong shabu ang naipupuslit mismo sa ating pantalan tulad ng 6.8 bilyong piso o 1,600 kilograms na hindi na inabutan ng PDEA sa GMA, Cavite pagkatapos na makalusot sa BoC. Lumalabas na ang mga nakumpiskang shabu nitong mga nakaraang operasyon ng mga pulis at ng mga ahente ng PDEA ay kagaya ng shabu na nasabat ng BoC sa MICT.
Sa kabila ng bintang na cover-up ni Mangaoang kay Lapeña, nagtitiwala pa raw ang Pangulo kay Lapeña. Kasi, sa pagitan nina PDEA Director Aaron Aquino na nagpapatunay na shabu ang laman ng apat na magnetic lifters at si Lapeña na nagsasabi na walang laman ang mga ito, ay inayunan ng Pangulo si Lapeña. Sinabihan pa niya si Aquino na haka-haka lamang nito ang kanyang ipinahayag sa publiko, kaya napilitang magbakasyon noon si Aquino. Dahil sa nakalulusot pa rin ang droga sa bansa ng maramihan, kahit saan ay pwede na itong mabili. Higit na madali pa itong makita kaysa NFA rice. Kaya, bumagsak na raw ang presyo ng droga. Ano ang kahihinatnan ng war on drugs ng Pangulo? May bisa pa ba ang mga pagpatay para masupil ang droga kahit paulit-ulit siyang nananakot at nagbabanta?
-Ric Valmonte