YEAR 2015 pa huling ginawa ang Quezon City International Pink Festival (QCIPFF) at muli itong ibinalik ngayong 2018, na gaganapin sa Nobyembre 14-25.
Pagtugon ito sa ordinansang ibinaba ng Sangguniang Panglunsod ng Quezon na naglalayong protektahan ang mga karapatang pantao ng LGBTQ community. Ang mga pelikulang ipalalabas ay tatalakay sa iba’t ibang narratives tungkol sa mga lesbians, gays, bisexuals, at transgenders. Ang Pink Film Festivals pa rin ang nangunguna sa pagsusulong ng mga advocacies na kapaki-pakinabang para sa mga kasapi ng LGBTQ community.
Isasabay na rin sa film festival ang pag-alala sa ika-79 taong pagkakatatag ng Lungsod Quezon at ang ika-100 taon ng pelikulang Pilipino.
May kabuuang 64 na mga pelikula mula sa Pilipinas at mga bansang United States, Brazil, Indonesia, Tonga, Spain, Taiwan, Japan, Thailand, Syria, Turkey at United Kingdom ang ipalalabas.
Tampok din sa film festival ang mga pelikulang ukol sa sekswalidad at kalusugan. Magkakaroon din ng mga seminar na pangungunahan ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao.
Bubuksan ang film fest sa pagpapalabas ng documentary na 50 Years of Fabulous ni Jethro Patalinghug.
Samantala, mapapanood sa international lineup ang Liquid Truth mula sa Brazil, Boys For Sale ng Japan, Mr. Gay Syria ng Turkey, Leitis in Waiting ng Tonga, at The Driver ng Thailand.
Tampok naman sa Philippine lineup ang mga likha ni Soxy Topacio, ang dating pangulo ng Quezon City Pride Council gaya ng Ded Na Si Lolo, gayundin ang dokumentaryong Call her Ganda ni PJ Raval na tungkol sa pinaslang na si Jennifer Laude. May 42 short films na magmumula sa Pilipinas at iba pang bansa.
Mapapanood ang mga pelikula sa Pink Filmfest sa Gateway Cinema Complex, Cubao sa November 19-21, University of the Philippines Cine Adarna sa November 22-25, at Cinema Centenario sa November 22-25.
Nanguna sa media conference si Quezon City Councilor Mayen Juico at Nick Deocampo, Festival Director of QCIPFF.
-Nora V. Calderon