NANGAKO si Miss Lebanon Earth Salwa Akar na tatapusin niya ang sinimulang kumpetisyon makaraang tanggalin sa kanya ang naturang titulo nang magpakuha siya ng litrato kasama si Miss Israel sa Miss Earth 2018 beauty pageant, na nagaganap sa bansa ngayon.
“I don’t need a ‘title’ to be myself.. I, the Soul am peace.. and I will finish what I started with or without your support and love..God is always beside me, He knows me more than anyone .. and He knows what’s in my heart,” post ni Salwa sa Facebook.
Nitong Martes, Oktubre 16, kumalat sa social media ang larawan ni Salwa na nakaakbay kay Miss Earth Israel Dana Zreik habang kapwa sila naka-peace sign. Caption nito: “My advocacy is to help people find peace and love within themselves so they can love each others and become peaceful with our mother earth.”
Kaugnay nito, kinumpirma ng mga organizer ng Miss Earth Lebanon sa isang opisyal na pahayag na “(they) categorically rejected the relationship with Israel” at tinanggal nila ang titulo ni Salwa.
Iginiit naman ni Salwa na nakipag-usap umano si Dana sa kanya sa wikang Arabic kaya hindi niya alam na ito pala ang kinatawan ng Israel sa pageant, ayon sa report ng The Jerusalem Post. Ngunit hindi tinaggap ng mga Lebanese organizer ang kanyang excuse. Wala pang inihahayag na statement si Miss Israel tungkol sa sitwasyon.
Samantala, nag-tweet naman si Ofir Gendelman, tagapagsalita ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu: “(Salwa) had her title revoked today in Lebanon b/c she ‘dared’ to take this photo w/ Miss Israel… Lebanese apartheid must be condemned.”
Hindi pinapayagan ng mga awtoridad ng Lebanon ang kanilang mga mamamayan na bumisita sa Israel o kaya ay makipag-ugnayan man lang sa mga Israeli.
Ang grand coronation night ng Miss Earth 2018 beauty pageant ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Nobyembre 3.
-ROBERT R. REQUINTINA