MULING pinangasiwaan ng Sonny T. Production ang magarbo at makasaysayang pagtatanghal ng makabuluhang pageant sa Summer Capital, ang search ng Miss Baguio, na taunang isinasagawa ng city government bilang bahagi ng Baguio Day celebration tuwing Setyembre.
Ang Sonny Ticwala Production ang pinagkatiwalaan ng city government na maging organizer ng pageant dahil sa malaking tiwala ng siyudad na magiging maayos, masaya at walang kontrobersiya ang patimpalak, partikular sa pangangasiwa sa mga kandidata.
“Binuo namin ang production na ito hindi para kumita, kundi naging passion at aliwan naming magbabarkada. Puro kasi kami bisyo noon, kaya naisip namin na maging abala kami sa promotion, para maiwasan ang bisyo,” sabi ni Sonny Ticwala.
“Napakaganda para sa amin ang resultang ito, dahil nakakatulong kami sa mga kandidata sa kanilang pangarap na maging isang beauty queen, hindi lang sa ating siyudad, kundi maging sa regional, national hanggang international,” kuwento ni Sonny.
Taong 1992 nang mapagkatuwaang buuin ng mga barkada ni Sonny ang pag-oorganisa ng event na magbibigay ng kasiyahan sa publiko, alinsunod sa misyon na hubugin o paunlarin ang talent ng kabataan na maghahatid sa mga ito ng tagumpay.
Sinimulan nila ang pag-oorganisa sa mga concerts, dance parties, fashion shows, seminars at beauty tilts, na ang nalilikom na pondo ay ibinabahagi nila bilang donasyon sa mga charity institutions, sa mga non-government organizations, at nagdaraos ng mga feeding program sa ilang barangay.
Kinilala rin ang Sonny T. Production nang simulan nilang ilunsad ang Miss Gay University and Campus Queen noong 1992 hanggang 2003. Taong 1995-1997, 2012, 2013, 2015-2017 naman nang i-organize ng Sonny T. Production ang Binibining Baguio o Miss Baguio pageant. Ilan sa mga nanalo sa nasabing patimpalak ay lumahok sa mga national beauty competition, gaya ng Lakambini ng Pilipinas.
Kasabay ng katatapos na Miss Baguio 2018 ay ipinagdiwang din ng Sonny T. Production ang kanilang ika-25 anibersaryo.
“Dahil sa silver anniversary namin ay ginawa naming simple ang pagdiriwang, sa pamamagitan ng silver na mga evening gown ng mga kandidata, mga dekorasyon sa stage, at libre sa mga manonood,” sabi ni Sonny.
“Malaki ang pasasalamat namin sa city government officials sa tiwala nila sa aming pamamalakad sa Miss Baguio at sa mga sponsor na walang sawang tumatangkilik sa pageant,” dugtong pa ni Sonny.
Kinoronahan bilang Miss Baguio 2018 si Trizha Bartolome Ocampo, 24; Miss Baguio- Tourism si Neeve Comanda, 19; at Ms Baguio- Liga ng mga Barangay si Chelsea Claro, 20 anyos. First runner-up naman si Ivylou Borbon, 19; 2nd runner-up si Belle Belsa, 21; 3rd runner-up si Olive Virador, 20; 4th runner-up si Xiannia Trinidad, 17; at Chaserylle Know-Well Sison ang Miss Charity.
-Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA