ANG halalan o eleksiyon ay isa sa panahong hinihintay ng ating mga kababayan sapagkat ito ang panahon at pagkakataon ng mga opisyal ng mga bayan at lalawigan na palitan ang naging pusakal na tulisan at mandarambong ng pondo ng bayan. Mapatatalsik ang mga ito sa poder o kapangyarihan sa pamamagitan ng hindi na pagboto sa nasabing mga opisyal ng mga bayan, lungsod at lalawigan na nagsamantala sa katungkulan, na naging dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan. Mapapalitan ng mga matapat, matalino, matino at ng talagang maaasahan sa paglilingkod.
Hindi kasi maiwasan na sa mga lokal at pamahalaang panlalawigan ay sumusulpot na parang kabute sa tag-ulan ang mga namumuno na nagsasamantala sa panunungkulan at kapangyarihan. Bunga nito, bigo ang pag-asa ng ating mga kababayan na bumoto sa kanila at nagbigay ng kapangyarihan na mamuno.
Ang halalan ang panahon at tanging pagkakataon na matuldukan at maputol ang pagsasamantala ng mga lokal na opisyal na nalasing sa kapangyarihan. Sa klasikong awit na “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas, na tumatalakay mula sa pagpapalaki sa anak hanggang sa paglilingkod sa bayan, ay nabanggit niya ang tungkol sa pinuno na mapagsamantala at sakim. Ayon kay Balagtas: “Ang isang pinunong masakim sa yaman ay mariing hampas ng langit sa bayan”.
Sa natapos na paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Commssion on Elections (Comelec) ay nakilala na ng ating mga kababayan ang mga wannabe. Mula sa mga nais maging Senador, mga Congressman, mga mayor, vice mayor, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, city mayor, vice mayor, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod; governor, vice governor, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan; mayor, vice mayor at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Matapos makilala ng ating mga kababayan ang mga wannabe, nabatid din kung sinu-sino ang malalakas at mahihinang kandidato. May nagsasabi tuloy na huwag nang tumuloy sa kanilang kandidatura ang mahihinang wannabe sapagkat aksaya lamang ito ng salapi at panahon. Sa mga wannabe naman na malakas ang kandidatura, magsisimula nang sumulpot ang kanilang mga lider sa pulitika.
Magiging bahagi rin ng buhay ng mga wannabe sa lokal na pamahalaan ang paglapit at paghingi ng tulong ng kanyang mga kababayan. At palibhasa ay panahon ng halalan, biglang darami ang mga “indigent” o nangangailangan. Bago pa lang sumisikat ang araw sa umaga ay nakapila na sa harap ng bahay ng wannabe ang mga “indigent”. May dala ang mga itong reseta ng doktor at hihingi ng pambili ng gamot. May humihingi rin ng tulong upang mailabas sa ospital ang anak, kapatid, ina o ama na nagkasakit . Kung minsan, asawang nanganak at may magpapa-dialysis. May humihingi rin ng dugo na isasalin sa kamag-anak na ooperahan sa ospital. Ang iba’y tulong na pinansiyal. yay mga umiiyak pa habang humihingi ng tulong. Nasasabi tuloy ng iba, para raw mga dramatic actress sa pelikula at telebisyon. Nagbibigay naman ng tulong ang mga wannabe. Kung minsan, ang mga alalay na ng wannabe ang nag-aabot ng tulong sa mga “indigent” totoo man sila o peke.
-Clemen Bautista