MAHUHUSGAHAN na ngayong Lunes, Oktubre 22, kung sino ang mas gusto ni Kris Bernal sa Asawa Ko Karibal Ko, si Jason Abalos na asawa niyang si Nathan o si Rayver Cruz as Gavin, ang balikbayang nakilala niya nang nawala si Nathan?

Jason, Rayver, at Kris copy

“Siyempre po, mahal ko naman si Nathan, kaya lamang may mangyayari sa character niya, at paano ko pa siya mamahalin kung karibal ko naman siya kay Gavin,” biro ni Kris.

“No, sa totoo po, gumaganda ang araw ko kapag nakikita ko sa set si Rayver, kasi po teenage crush ko na siya, wala pa ako sa showbiz. Napapanood ko na po siya noon dahil kasama siya sa Anime dance group niya sa ASAP. Sino po ang mag-aakala na darating ang araw na magkakatambal kami, nang pasukin ko na rin ang showbiz.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Pero nothing to worry po naman, hanggang sa crush ko lamang si Rayver, sabihin nating inspiration ko sa taping, dahil masyadong ma-drama ang aming teleserye. My boyfriend po ako, alam ko nali-link din siya kay Janine Gutierrez, kaya respeto po lamang kami sa isa’t isa.”

Sa pagsisimula ng Asawa Ko, Karibal Ko ay kasal sina Rachel (Kris) at Nathan (Jason). Magkakaroon sila ng anak, pero mabubunyag na hindi pala tunay na lalaki si Nathan, hanggang sa iwanan niya si Rachel ngunit lingid sa kaalaman niya na buntis ang asawa sa pangalawa nilang anak. Gagawa siya ng istorya tungkol sa pagkamatay niya, kasama ang kanilang anak, pero pagbalik niya ay siya na si Catriona, isang transgender, na later on ay magiging si Venus na gagampanan na ni Thea Tolentino. Malalaman din ni Rachel ang totoo, na si Catriona at Nathan ay iisa.

Dito na papasok ang twist ng story, magiging karibal ni Rachel si Venus sa pagmamahal ni Gavin. Paano siya makikipaglaban sa taong minsan niyang minahal?

Kasama rin sa cast ng Asawa ko, Karibal ko sina Lotlot de Leon bilang si Lupita, ina ni Rachel, Devon Seron as Maya, ang nakababatang kapatid ni Rachel, Annalyn Barro as Tina, ang best friend ni Rachel, Caprice Cayetano as Nicole, anak nina Rachel at Nathan. Kasama rin sina Jean Saburit at Ricardo Cepeda, parents ni Nathan, Maricris Garcia as Allison, kapatid naman ni Nathan na siyang may alam sa lihim ng kapatid, Matthias Rhoads bilang lover ni Nathan, at si Phil Noble, isang transgender na confidante ni Nathan.

Samantala, sa presscon ng serye ay biniro sina Lotlot at Rayver dahil “Ate Lotlot” pa rin ang tawag ni Rayver sa ina ng girlfriend niyang si Janine.

Ang katuwiran ni Rayver, nasanay na siyang ‘yun ang tawag kay Lotlot kahit noong hindi pa niya GF si Janine. Mas nauna pa nga yata niyang nakilala si Lotlot dahil parehong silang sa Paraῆaque nakatira.

Ngiti lang ang reaksiyon ni Lotlot sa panunukso ng press kay Rayver and in fairness to her, sa pagpo-promote niya ng Asawa Ko, Karibal Ko at sa pagpo-post ng photos ng cast, isinunod niya sa kanyang litrato ang picture ni Rayver.

First teleserye ito ni Rayver sa GMA-7 at pangalawa sa shows niya dahil kasama rin siya sa performers ng Studio 7. Kaya sabi nito, masaya ang paglipat niya sa Kapuso Network dahil may acting project siya habang sasayaw at kakanta naman siya isa pa niyang show.

Bukod kay Lotlot, hindi masyadong kilala ni Rayver ang mga kasama sa Asawa Ko, Karibal Ko, kaya nahirapan siya sa simula.

“Nahirapan ako working with Kris for the first time. Malaking bagay na may workshop kami dahil nagkaroon ako ng time na makausap sila bago ang taping. Na-feel ko ang mainit nilang pagtanggap sa akin, kaya mabilis akong naging comfortable,” sabi ni Rayver.

Nabanggit din ni Rayver na kinilig siya nang malamang crush siya ni Kris at matagal nang ini-stalk sa social media. “Nakakatuwa na magkaroon siya ng crush sa akin dati pa, mas lalo akong naging comfortable sa kanya,” pahayag ni Rayver.

Hanggang crush lang naman si Kris dahil may BF na ito at hindi papayag si Chef Perry Choi na ma-in love pa ang aktres sa iba. Si Rayver naman ay may Janine na, kaya working buddies na lang sila ni Kris.

Sa direksiyon ni Mark Sicat dela Cruz, mapapanood na ito mamayang hapon, pagkatapos ng Eat Bulaga, Lunes hanggang Sabado.

-NORA V. CALDERON at NITZ MIRALLES