HINDI bumitaw ang Iriga-Navy matapos mabigo sa dikdikang labanan sa fourth set upang makamit ang unang panalo sa PVL Open Conference kontra Adamson-Akari Lady Falcons, 25-18, 23-25, 25-21, 24-26, 15-11, nitong Sabado sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Nakauna pa ang Iriga sa match point, 24-22, sa fourth set, bago humabol ang Adamson at agawin ang panalo upang makapuwersa ng decider sa pangunguna nina May Roque at Chiara Permentilla.

Kinakitaan ng senyales ng fatigue, hindi bimigay ang Lady Oragons sa fifth set kung saan umarya sila sa 14-10 na kalamangan buhat sa iskor na 10-all.

“Siguro nga lumabas na din ‘yung experience ng nga player ko, kasi nga medyo bata ‘yung mga kalaban namin,” pahayag ni Iriga coach Egay Rusit.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Kumapit lang kami sa depensa din talaga nung dulo kahit talagang pagod na ‘yung mga players namin.”

Nanguna si Grazielle Bombita para sa Iriga sa itinala nitong 21 puntos, kasunod si Nene Bautista na may 18 puntos.

Tinapos ng Iriga-Navy ang first round sa barahang 1-6.

Nagtapos namang top scorer para sa Adamson si Permentilla na may 21 puntos.

Dahil sa kabiguan, bumagsak ang Lady Falcons sa markang 0-7.

Nauna rito, nakabangon ang Tacloban Fighting Warays mula sa apat na sunod na pagkabigo matapos igupo ang Pocari Sweat-Air Force Lady Warriors, 18-25, 25-20, 25-22, 20-25, 15-9.

Nanguna si Dimdim Pacres para sa Tacloban sa kanyang ipinosteng 21 puntos.

Natapos ng Tacloban sa record na 3-4 ang first round habang nalaglag sa patas na markang 3-3 ang Lady Warriors.

-Marivic Awitan