Krusyal na ‘blocked shot’ mitsa ng panalo ng Denver sa GS Warriors

DENVER (AP) — Natambakan. Naghabol. Ngunit, sa pagkakataong ito, lumihis ang buwenas sa kampo ng Golden State Warriors.

Sa ikalawang sunod na laro, naghabol ang defending champion at muling nakakuha ng pagkakataon na mahila ang laro sa overtime, ngunit isang matibay na depensa ni Juancho Hernangomez sa buzzer ang nagbigay sa Denver Nuggets ng manipis na 100-98 panalo kontra sa Warriors nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nagawang mahabol ng Warriors ang 13 puntos na bentahe ng Nuggets sa final period. Nagawang malusutan ni Stephen Curry ang bantay at naipasa ang bola kay center Damian Jones, ngunit nasupalpal sa likod ni Hernangomez sa buzzer.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna si Gary Harris sa Denver sa naiskor na 28 puntos at nakamit ng Nuggets ang 3-0 marka, sa kabila ng pagmintis ng 18 free throws, kabilang ang anim na final period.

Kumubra si Nikola Jokic ng ikalawang sunod na triple-double -- 23 puntos, 11 rebounds at anim na assist – para sa pinakamatikas na simula mula nang maitala ng koponan noong 2009-10 season sa pamumuno noon nina Carmelo Anthony at Chauncey Billups ang 5-0 marka.

Naisalpak ni Curry ang tatlong sunod na three-pointer sa loob ng 1:11 para pangunahan ang pagbalikwas ng Warriors. Kumana siya ng kabuuang 30 puntos – ikatlong sunod na laro na tumipa ng 30 puntos o higit pa ang two-time MVP.

Sa laro laban sa Utah Jazz nitong Biyernes (Sabado sa Manila), naghabol din ang Warriors sa 16 puntos at nagawang maagaw ang panalo mula sa tip-in ni Jonas Jerebko sa final play.

KINGS 131, THUNDER 120

Sa Oklahoma City, hataw si Iman Shumpert sa naiskor na 26 puntos para sandigan ang Sacramento Kings kontra sa Oklahoma City Thunder.

Nagbalik-aksyon si Russell Westbrook matapos ipahinga sa unang dalawang laro ng Thunder bunsod ng pamamaga ng tuhod. Ngunit, nabalewala ang natipa niyang 32 puntos, 12 rebounds at walong assists.

Nag-ambag sina De’Aaron Fox at Buddy Hield ng 22 at 17 puntos sa Kings, ayon sa pagkakasunod.

Kumubra naman si Paul George ng 29 puntos at tumipa si Steven Adams ng 10 puntos at 14 rebounds para sa Thunder.

CLIPPERS 115, ROCKET 112

Sa Los Angeles, naisakatupan ng Clippers ang hindi nagawa ng kanilang katoto na LA Lakers – ang biguin ang Houston Rockets.

Kumamada si Montrezl Harrell ng 17 puntos mula sa bench, habang kumana si Tobias Harris ng 23 puntos para pangunahan ang Clippers sa malaking panalo ngayong season.

Sumabak ang Rockets na wala ang All-Star guard na si Chris Paul na sinimulan ang two-game suspension na ipinataw matapos masangkot sa rambulan sa kanilang 124-115 panalo kontra Lakers nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Ratsada si James Harden sa naiskor na 31 puntos at 14 assists para sa Rockets. Naidikit niya ang iskor sa naiskor na siyam na sunod na puntos subalit sumablay ang three-pointer sa buzzer.

Nag-ambag sina reserves Lou Williams at rookie Shai Gilgeous-Alexander ng tig-12 puntos sa Clippers.