Nalagay sa balag na alanganin ang isang bus driver at isang konduktor matapos silang mahuli umano habang bumabatak ng shabu sa loob ng bus sa isang terminal sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Ang mga inaresto ay kinilalang sina Carno Donio, 36, binata, bus driver ng Ceres Transport, Inc., at nakatira sa Barangay Prado Saba, Lubao, Pampanga; at Louie Ellamil, 29, binata, konduktor ng Victory Liner, at taga-Bgy. Palak- Palak, Pozzorubio, Pangasinan.

Samantala, pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga kasamahan nina Donio at Ellamil na sina Michael Ilagan, nasa hustong gulang, konduktor ng Ceres Transport, Inc.; at Darry Arroz, nasa hustong gulang, janitor ng Victory Liner terminal sa EDSA, Pasay City.

Sa ulat ng Pasay City Police, nadakip sina Donio at Ellamil sa loob ng Ceres Bus (DXU-917) sa Victory Liner terminal sa EDSA dakong 1:35 ng umaga.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Nagsasagawa ng routine inspection si Roland Eric Natividad, security officer; at guwardiyang si Michael Yocampo nang mahuli umano sa aktong magkakasamang bumabatak ng ilegal na droga ang apat sa loob ng bus.

Nakatakbo naman sina Ilagan at Arroz, habang nasakote sina Donio at Ellamil, na nahulihan din umano ng drug paraphernalia.

Dinala sa Station Drugs Enforcement Team (SDET) ang dalawang nadakip at isasailalim sa inquest proceedings sa Pasay Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

-BELLA GAMOTEA