MAGPUPULONG ngayong araw ang Senate Committee on Public Service, na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, upang talakayin ang kontrobersiya na nagbabantang pumutol sa serbisyo ng kuryente sa Iloilo at sa iba pang bahagi nito.
Humigit-kumulang isang siglo nang nagbibigay serbisyo ng kuryente sa buong lungsod ang Panay Electric Co. (PECO), na itinatag noong 1923. Mahigit 14 na buwan na ang nakalilipas, noong Hulyo 22, 2017, naghain ito para sa muling pagkuha ng lehislatibong prangkisa sa pamamagitan ng House Bill 6023 na inihain sa Kamara de Representantes. Makaraan ang isang taon, inihain naman ang karibal nitong House Bill No. 8132 para sa kapakanan ng mas maraming Mineral Corporation upang makapagbukas ng electric porwer distribution service sa Iloilo.
Nagdesisyon ang komite na igawad sa bagong kumpanya ang prangkisa dahil sa umano’y kabiguan ng PECO na maibalik ang P631 milyon sa labis na paniningil nito sa mga customer. Kalaunan, itinanggi naman ng Energy Regulatory Commission na inimbestigahan nito ang PECO at kinastigo dahil sa umano’y labis na paniningil.
May pangamba ngayon na ang desisyon ng komite ng Kamara ay magdulot ng krisis ng kuryente sa Iloilo lalo’t isang kumpanya ang maaaring gawaran ng prangkisa upang maglaan ng serbisyo ng kuryente ngunit wala namang pasilidad upang makapagpatakbo ng operasyon, habang ang isa naman ay may pasilidad ngunit walang permiso ng pamahalaan. Nariyan ang pangamba na hanggat hindi nareresolba ang isyu, mananatiling nakalubog sa kadiliman ang buong probinsiya.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Senadora Poe na nakatanggap nga siya ng ilang reklamo hinggil sa serbisyo ng kasalukuyang may hawak ng prangkisa, bagamat sinabi naman ng opisyal ng kumpanya na ginagawa na nito ang lahat ng makakaya upang mapabilis ang pagsasaayos at pagpapaganda ng kanilang serbisyo. Sinabi nitong umaasa sila na magiging patas ang Senado sa desisyon nito hinggil sa paglalabas ng lehislatibong prangkisa para sa Iloilo.
Ang panganib, ayon kay Anak Mindanao partylist Congressman Makmod Mending, ay kapag hindi nakamit ng kasalukuyang kumpanya ang prangkisa ay maaari itong magresulta sa pagkahinto ng supply ng kuryente sa buong lungsod ng Iloilo, lalo’t ito ang nagmamay-ari ng lahat ng kasalukuyang pasilidad ng kuryente, mula sa planta hanggang sa mga poste at kawad ng kuryente. Isang probisyong magpapalawig ng isa hanggang dalawang taon ang maaaring makapagbigay nang magaan na transisyon sakaling ibang kumpanya ang mamamahala, aniya.
Nakapagdesisyon na ang House committee, kaya ang isyung ito ay nakasalalay na ngayon sa Senate committee ni Senadora Poe. Hanggat hindi nareresolba ang agawan, maaaring masadlak sa kadiliman ang probinsiya. Ngunit nariyan ang mataas na kumpiyansa na malulutas ng Senado ang isyung ito nang may hustisya para sa lahat ng sangkot