Siyam na trabahador sa tubuhan ang pinatay ng hindi natukoy na bilang ng mga armadong lalaki na nagpaulan ng bala sa mga biktima, sa isang bukid sa Negros Occidental, nitong Sabado ng gabi, sa insidente na pinaniniwalaan ng pulisya na bunsod ng away sa lupa ng mga grupo ng manggagawa.

Sa panayam ng Balita, kinilala ni Senior Supt. Rodolfo Castil, hepe ng Negros Occidental Police Provincial Office (PPO), ang mga biktimang sina Marchtel Sumcad, 17; Jomarie Ughayon Jr., 17; Eglicerio Villegas, 36; Angelipe Arsenal; Bingbing Bantigue; Necnec Dumaguit; Dodong Laurencio; Morena Mendoza; at isang Pater. Lahat sila ay taga-Sagay City, Negros Occidental, at pawang kasapi ng National Federation of Sugarcane Workers.

Sinabi ni Senior Supt. Castil na isa sa mga survivors ang nagsabi sa pulisya na nasa 40 lalaki ang sangkot sa pamamaril, bagamat natukoy sa resulta ng re-enactment ng lokal na Crime Laboratory kahapon ng umaga, na nasa anim o pitong suspek ang may kagagawan sa masaker.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagpapahinga ang grupo ng mga trabahador sa tubuhan, o mga sakada, sa makeshift shelters sa loob ng Hacienda Nene sa Purok Firetree, Barangay Bulanon, Sagay, bandang 9:30 ng gabi nang dumating ang mga suspek.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

“According to one survivor, the gunmen only arrived on foot. The workers did not immediately notice them because it is a remote area. It is not a city proper and vehicles hardly pass by,” sabi ni Senior Supt. Castil.

NIRATRAT

Bigla na lang umanong nagpaulan ng bala ang mga suspek, at napuno ng hiyawan at putok ng baril ang katahimikan ng gabi sa tubuhan.

Tumagal nang 10 minuto ang pamamaril, ayon sa pulisya, saka tumakas ang mga suspek. Makalipas ang ilang sandali, natagpuan ng iba pang manggagawa ang mga bangkay na nilang kasamahan—tadtad ng tama ng bala ang mga katawan.

Napaulat na nauugnay din ang mga biktima sa militanteng grupo na Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), bagamat hindi pa ito kinukumpirma ng pulisya.

Nanawagan naman si BAYAN Secretary General Renato Reyes Jr. ng agarang imbestigasyon sa pamamaslang sa mga sakada, na ayon sa kanya ay mga benepisyaryo ng agrarian reform.

“We call for a swift investigation into the massacre of nine farmers, incuding two minors, in Hacienda Nene, Negros Occidental. We condemn this atrocity and demand justice for the victims,” sinabi kahapon ni Reyes. “According to reports, the farmers were agrarian reform beneficiaries. This is impunity at its worst.”

MOTIBO

Samantala, sinabi ni Senior Supt. Castil na isa sa mga sinisilip na motibo sa insidente ay ang alitan sa pagitan ng mga sakada. Aniya, ang mga biktima “tend to own other's land and claim it as their own”.

“Here in Sagay [City], there are groups that would occupy someone's land and build makeshift houses and other structures. When the righful owner tells them to leave, they would claim they have partial rights,” paliwanag ni Senior Supt. Castil. “In Manila, it's called squatters. We are looking at possible land dispute among rival groups.”

Ang tubuhan ay napaulat na pagmamay-ari ng isang Carmen Tolentino.

ARMADO?

Iginiit din ng pulisya na armado umano ang mga sakada nang mangyari ang insidente, makaraang makasamsam ang Crime Laboratory ng isang .38 caliber revolver mula sa isa sa mga napatay, bukod pa sa may natagpuan ding basyo ng nasabing baril sa crime scene.

Natagpuan din umano ng pulisya sa crime scene ang 12 basyo ng bala ng caliber 5.56 mm rifle at pitong bala ng .45 caliber pistol.

May ulat ni Fer Taboy

-MARTIN A. SADONGDONG