Tumataginting na R4 milyon cash incentives ni Gawilan

MULA sa pagiging ulila, isa nang ganap na dakila ang ‘legless’ swimming wonder na si Ernie Gawilan.

GAWILAN: P4M winner

GAWILAN: P4M winner

Itinaas ng 27-anyos na tubong Davao City ang antas ng kadakilaan sa mga tulad niyang ipinanganak na may kakulangan sa physical na katauhan matapos pangunahan ang Team Philippines sa napagwagihang tatlong ginto at dalawang silver medal sa katatapos na 3rd Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kung noo’y katatawanan lamang ang pagtingin sa mga tulad ni Gawilan at napapansin lamang sa mga peryahan at circus, hindi na ngayon.

Kinikilala sa buong mundo ang mga katulad ni Gawilan at ang matikas na kampanya ng tulad niyang walang paa ay patunay na may puwang ang mundo – maging ang sports – sa taong pinagkaitan ng normal na pangangatawan.

“Napapangiti na lang po ako lalo na pag may tumatawag at bumabati sa akin at sa mga kasama ko. Waka na yung panunukso, puro paghanga na at pagbati,” pahayag ni Gawilan.

Sa napagwagihang 10 ginto, walong silver at 11 bronze sa kabuuan, tumapos ang delegasyon sa ika-11 puwesto. Hindi maiwawaksi na nahigitan nila ang naging kampanya ng National Team (regular) na sumabak sa quadrennial meet halos isang buwan bago ang kanilang torneo.

“Siyempre po iba naman yung tema ng kompetisyon sa mga regular athletes, pero masayang-masaya po kami pag sinasabi nilang mas maganda ang naging performance naming Para athletes,” aniya.

Sa ilalim ng naamyemdahang batas (Philippine Sports Incentives Act) ni Senator Sonny Angara, si Gawilan ang may pinakamalaking cash incentives na makukuha sa kabuuang P4 milyon.

Sa naturang batas, nakalaan ang P1 milyon para sa gold medalist, P500,000 sa silver winner at P300,000 sa bronze medalist.

Napagwagihan ni Gawilan, tinaguriang ‘Torpedo Ernie’, ang gold sa 100-meter backstroke S7, 200-m individual medley S7, at 400-m freestyle S7, habang silver siya sa 50-m freestyle S7 at 100-m freestyle S7.

Pangangasiwaan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pamamahagi ng cash incentives sa susunod na buwan sa Malacanang.

“Sa akin, talagang pasalamat ako sa PSC dahil hindi kami pinabayaan sa suporta lao na sa training naming. At sa mga taong tumulong at kumalinga sa akin higit sa mga madre, sa pangunguna ni Sister Cecilia Wood, sa Our Lady of Victory monastery sa Davao City na siyang umampon sa akin<’ sambit ni Gawilan.

Bukod kay Gawilan, tatanggap naman si Sander Severino ng kabuuang P2,666,667 cash incentives para sa napagwagihang dalawang individual gold at dalawang team event sa chess.

Nakasungkit din ng gintong medalya sina Arthus Bucay sa cycling at Kim Ian Chi ng bowling, gayundin ang ’s chess standard team of Redor Menandro, Arman Subaste, at Israel Peligro na may tig-P333,333.

“Our medalists will be the first recipients of the R.A. 10699, in the Asian Para Games level. We express our sincerest gratitude to the government and the PSC for its intensive support for our para-athletes,” pahayag ni Philippine Paralympic Committee and Philippine Sports for Differently-Abled (Philspada) president Mike Barredo.

“More than the amount of incentives, it is the deeper inclusion of our para-athletes in the Philippine sports landscape that we are all thankful for. They are now recognized as a true national athlete and are afforded proper training and exposure,”aniya.

-Annie Abad