HINDI naging Regine Velasquez si Chona Velasquez nang basta-basta ganoon na lang. Hinubog siya ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ama—ni Mang Gerry, hindi lang bilang mahusay na singer kundi bilang mabuting tao.Legendary ang mga kuwento nilang mag-ama kung paano siya nito sinanay, lalo na sa pagkanta habang nakalubog sa tubig ang katawan.

Regine copy

“Naniniwala ako na ang anumang ginagawa mo na may pressure, mas magaan mo nang magagawa sa normal na sitwasyon,” natatandaan kong sabi ni Mang Gerry sa isa sa mga kuwentuhan namin noong nabubuhay pa siya.

Minsan, natatawa si Mang Gerry nang ikuwento na padabog kung lumakad sa pilapil si Regine kapag pauwi na sila galing sa amateur singing contest. Kasi talo.

Events

Lotlot, sinabing pareho nang kumakanta sa langit 'Mommy at Mamita' niya

“Hindi naman bagay maglakad nang padabog sa pilapil, pero nagdadabog ‘yan.”Galing ang pamilya nila sa hirap, at guminhawa sa katuparan ng paniniwala ng ama na may kakaibang galing si Regine sa pagkanta.

Sa pakikinig kay Regine nang humarap sa reporters nang bigyan ng grand welcome ng ABS-CBN nitong Miyerkules, walang kaduda-duda, hindi niya kinakalimutan ang mga aral sa buhay na natutuhan kay Mang Gerry. Kasama na ang isinulat namin kahapon, na matutong makisama sa lahat ng mga nakakatrabaho.

Nang tanungin tungkol sa tsismis na kalahating bilyong piso raw ang alok ng ABS-CBN kaya siya lumipat at iniwan ang GMA-7...

“You know, at my age and at the stage of my career, alam nilang lahat ng mga reporters dito na mga kaibigan ko na, hindi naman ako ilusyunadang tao. Alam ko naman kung ano ‘yung lugar ko sa industry.

“Sobra akong touched na touched sa welcome na ibinigay sa akin ng ABS-CBN kasi hindi ko akalain na gano’n ako kaimportante, hindi po ako mailusyunadong tao.

“But the reason why I’m here is because hindi ko alam kung hanggang kailan ko pa kayang kumanta and I want to work with their talented singers. ‘Yon talaga ‘yun, na bago man lang matapos ‘yong career ko, masabi kong nakatrabaho ko din ang number one station,” maayos na sagot ng Asia’s Songbird.

At ang isa mga pahayag niya na hinangaan ng mga nag-iinterbyu, ang pag-amin sa insecurities na pambihirang marinig lalo na sa mga nagdidiva-diva-hang singers: “I am risk taker, pero as you get older pala, dumarami ang insecurities mo sa life, alam mo hindi ako insecure na tao, pero nu’ng tumanda ako ang dami kong insecurities.

“So, gusto mo doon ka sa safe, doon ka sa hindi masyadong gagalawin ng tao, doon ka sa alam mo lang, parang na-realize ko meron pa akong ibibigay kaya ako nandidito ulit, ‘yon lang.”

“Hindi naman sa kanya nanggaling ang ideya, nanggaling po talaga sa akin. Pero hindi ako sigurado kung interested pa sila (management) kasi alam kong pasung-paso na sila sa akin.”

Ilang ulit nang nagkaroon ng negosasyon si Regine para lumipat nitong mga nakaraang taon pero ngayon lang natuloy.

“Inamin talaga! Alam ko namang pasung-paso na sila and I cannot blame them and I was the one who asked for the meeting but it was my husband (Ogie Alcasid) who arranged it. Kasi siyempre siya na ‘yong nandito, nakakatrabaho na niya sina Tita Cory (Vidanes), si Direk (Lauren Dyogi), si Deo (Endrinal), so siya ‘yung nag-arrange ng meeting. As a matter of fact ‘yong first meeting namin, kabadung-kabado talaga ako, kasi hinihintay ko na sabihin nila sa akin na, ‘Hindi na kami interested sa ‘yo!’” natawang kuwento ni Songbird.

“Hinihintay ko talaga, but I’m so happy na sinabi nilang, ‘Siyempre naman, interesado kami.’

“Natatandaan ko ‘yung sinabi ni Direk Lauren na, ‘Puwede na ba akong mag-hope?’ Ha-ha-ha! Kasi nga parang dalang-dala na talaga sila sa akin.

Kaya I am really overwhelmed, I am happy that I am here,” sabi pa ni Songbird.

-DINDO M. BALARES