NATAPOS na ang limang araw na paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga nais na maglingkod sa bayan at maging ng mga reelectionist na kakandidato sa mga lokal na pamahalaan sa mga lalawigan, bayan at lungsod para sa idaraos na midterm elections sa Mayo 2019, sa Commission on Elections (Comelec) nitong Oktubre 11-12, 2018 at Oktubre 15-17, 2018. Maging sa Mataas na Kapulungan o Senado at mga Kinatawan sa Kongreso sa iba’t ibang distrito ng mga lalawigan at lungsod sa ating bansa ay naghain din ng COC.
Ayon sa Comelec, mahigit 100 na naghain ng kanilang COC ang nagnanais maging miyembro ng Mataas na Kapulungan. Kabilang na rito ang mga reelectionist na mga senador. Buo ang kanilang pag-asa na muli silang ihahalal ng sambayanang Pilipino. Ang kanilang basehan ay ang kanilang performance at mga nagawa sa Senado at ang kanilang mga panukalang-batas na napagtibay para sa kabutihan ng bayan at mga mamamayan.
Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa Comelec sa Rizal, nabatid na ang mga kandidato sa pagka-gobernador ng Rizal ay ang incumbent na si Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares. Ang kanyang vice governor na isa ring reelectionist ay si Rizal Vice Gov. Jun Rey San Juan. Sila ang mga kandidato ng Nationalist People’s Coalition (NPC). Sa pagka-Kinatawan ng unang distrito ng Rizal, ang kandidato ay ang imcumbent na si Cong. Jack Duavit. Walang lumaban kay Cong. Jack Duavit. Isang kasaysayan ito sa larangan ng pulitika sa Rizal.
Sa ikalawang distrito ng Rizal, palibhasa’y matatapos ang termino ni Rizal Cong. Jun Rodriguez, ang pumalit sa kanya ay ang kanyang butihing maybahay na si Maria Lourdes Rodriguez. Siya ang kandidato ng NPC.
Mayroong 13 bayan at isang lungsod ang Rizal. May mga bayan sa Rizal na masasabing mahigpit ang magiging labanan sa darating na halalan sa Mayo 2019. At may mga bayan din naman na magaan ang laban. Bukod sa nabanggit, may mga bayan din na walang kalaban ang reelectionist na incumbent na mga mayor at vice mayor. Sa Antipolo City, ang kandidato sa pagka-mayor ay si Andeng Bautista Ynares, ang butihing maybahay ni Antipolo City Jun Ynares at sa pagka-vice mayor ay si Vice Mayor Pining Gatlabayan. Sila ay kapwa walang kalaban.
Sa Binangonan, ang magkapatid na Mayor Cesar Ynares at Vice Mayor Boyet Ynares ay parehong walang kalaban. Isa itong kasaysayan sapagkat ngayon lamang nangyari sa Binangonan. Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa mga taga-Binangonan, halos nagkakaisa sila sa pagsasabing mahirap labanan ang mga Ynares sapagkat maganda ang nagawa nila sa Binangonan. Mula sa pagiging mayor na naging gobernador ng Rizal na si dating Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. Sumunod si dating Mayor Boyet Ynares at ngayon naman ay si Mayor Cesar Ynares. Sa kanilang pamamahala, patuloy na kinikilalang Class A municipality ang Binangonan.
Sa Taytay, ang mahigpit na magkalaban sa idaraos na eleksiyon ay ang reelectionist na si Mayor Juric Gacula at si Vice Mayor Bonoy Gonzaga. May mga taga-Taytay ang nagsasabing gagamitin sa pangangampanya ang mga artistang anak ni Gonzaga. Sa Angono, matatapos na ang panunungkulan ni Mayor Gerry Calderon, kaya ang pumalit na kandidato ay ang anak niyang si Jerry Mae Calderon. Si Mayor Gerry Calderon naman ang kakandidatong vice mayor. Ang kalaban sa pagka-mayor ay ang incumbent na si Vice Mayor Sonny Rubin. Ang kandidato naman sa pagka-vice mayor Joey Calderon. Dahil dito, ang magkapatid na Calderon ang magkatunggali sa pagka-vice mayor. Sa Morong, magkalaban naman sina Mayor Mando San Juan at si Rizal Board Member Dr. Olivia de Leon.
Sa Pililla, ang magkatunggali ay ang kasalukuyang punong-bayan na si Mayor Leandro Masikip at dating Mayor Dan Masinsin. Sa Jalajala, ayon sa Comelec, ang kandidato sa pagka-mayor ay si Jalajala Administrator Elmer Pillas. Anak siya ni incumbent Jalajala Mayor Ely Pillas. Ang kalaban ay si Pedro Belleza. Sa Baras, reelectionist naman ang mag-amang Mayor Katherin Robles at Vice Mayor Willie Robles. Sa Tanay, reelectionist naman ang incumbent na si Mayor Rex Manuel Tanjuatco. Sa Cainta, tatakbo sa ikatlo at huling term si Mayor Keith Nieto.
Sa mga nabasa ng inyong lingkod sa mga propaganda material ng mga wannabe sa Rizal, pawang magaganda ang mga gagawin sa bayan. Kung magiging epektibo ang aking nabasa, malalaman ito sa magiging resulta ng halalan sa Mayo 2019.
-Clemen Bautista