SA pagbisita ni China Presodent Xi Jinping sa Pilipinas ngayong darating na Nobyembre, nakatakda niyang lagdaan ang ilang kasunduan para sa ilang mga proyekto mula sa riles ng tren at mga tulay hanggang sa mga dam at patubig, kasama ang matagal nang hinihintay na joint exploration para sa langis at enerhiya sa South China Sea. Sinabi ni Secretary Benjamin Diokno, ng Department of Budget and Management, na hindi bababa sa 10 kasunduan ang lalagdaan sa kanyang pagbisita.
Bitbit din ni President Xi sa kanyang pagbisita ang nasa $3.5 billion na pautang para sa konstruksiyon ng 600-kilometrong riles ng tren mula Maynila patungong Matnog, Sorsogon, ang pinakatampok sa unang grupo ng mga proyektong pinondohan ng China na nasa ilalim ng programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte.
Kabilang sa grupong ito ng mga proyekto ang P2.7 bilyong Chico River pump irrigation project, na kamakailan lamang ay nagdaos ng groundbreaking at ang P10.9 bilyon Kaliwa Dam, na magiging pangunahing pagkukunan ng tubig para sa Metro Manila. Ang dam na ito sa Tanay, Rizal, kasama ng water supply tunnel at iba pang kaugnay na istruktura, ang bagong pagkukunan ng tubig para sa mabilis na lumalagong populasyon ng Metro Manila. Mapagagaan nito ang demand sa Angat Dam, ang tanging pinagmumulan ng tubig na pasilidad ng Metro Manila sa kasalukuyan.
Isa pang kasunduan na kinakailangan nang masapinal sa nakatakdang pagbisita ay ang joint exploration para sa langis at enerhiya sa South China Sea, partikular sa Service Contract 72 na sumasakop sa Recto Bank, kilala ng daigdig bilang Reed Bank. Kinakailangan ang matinding paghahanda para sa proyektong ito, kabilang ang pag-aalis ng deklarasyon ng pamahalaan ng moratorium sa oil exploration sa pinag-aagawang lugar sa West Philippine Sea—ang katubigang sakop ng 370-kilometrong Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa South China Sea.
Kabilang naman sa ikalawang grupo ng mga proyekto ang flood control facilities sa Metro Manila at Mindanao ang mga tulay na magkokonekta sa Visayas, ang pagsasaayos ng hydropower system, at ilang sekondaryang riles ng tren.
Dalawang proyekto rito ang popondohan sa pamamagitan ng grant, hindi utang. Ito ang P1.29 bilyong Estrella-Pantaleon bridge na tumatawid sa Pasig sa pagitan ng Makati at Mandaluyong at ang P4.24 bilyon Binondo-Intramuros bridge. Inaasahang mapapagaan nito ang kasalukuyang nararanasang trapik sa Metro Manila na umabot na sa matinding probema. Dahil ito ay tulong, hindi dapat ito magdulot ng pangamba sa ilang sektor na baka malubog sa utang ang Pilipinas.
Hindi mawawala ang mga kritiko sa mga proyektong ito dahil sa pulitika at iba pang rason, ngunit wala namang pagdududa na kailangan ang mga ito para sa pag-unlad ng bansa. Kaya naman malugod natin itong tinatanggap kasama ng iba pang mga proyektong nasa ilalim ng programang pang-imprastruktura na “Build, Build, Build” ng administrasyon, gayundin ang tulong iniaalok ng China sa pamamagitan ni President Xi Jinping na magiging mahalagang bisita ng bansa sa Nobyembre.