“PANSAMANTALA lamang iyong pagtaas ng pamasahe sa P10. Kailangan pagtiisan muna natin ito ngayon. Kapag gumanda naman ang sitwasyon, babalik naman tayo sa normal,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ngitian na lang natin ito, aniya. Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang batayang singil sa pasahe na P10 sa jeepney mula sa dating P9 sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon at sa bus naman, P11 mula sa dating P10. Binalewala ng LTFRB ang mga rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) para maiwasan pa ang pagtaas ng inflation. Sinabi kasi ng NEDA na ang pagtaas ng pamasahe ay magpapataas sa kasalukuyang inflation sa bansa na nito lang Setyembre ay umabot na 6.7 porsiyento. “Dapat gumawa ng mga alternatibong hakbang para mapababa ang halaga ng mga produktong petrolyo sa halip na ipasa ang pasanin sa mga pasahero,” nakasaad sa liham ng NEDA para sa LTFRB noong Oktubre 2. Eh, ang LTFRB mismo ang humiling sa NEDA na pag-aralan ang hinihinging pagtaas ng pamasahe ng mga jeepney driver at operator at magmungkahi ng mga paraan para maibsan ang epekto nito sa inflation. Kung hindi maiiwasan ang pagtaas ng pamasahe, ang inirekomenda ng NEDA ay P9.50 mula sa P9 sa mga jeepney at P11 mula sa P10, sa mga bus at walang dagdag singil sa bawat kilometro. Pero, ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, ginawa ng board ang pansamantalang pagtaas pamasahe para mabalanse ang interes ng mga pasahero at ng mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon sa NEDA, ang nagpaplano ng polisiyang pang-ekonomiya ng bansa, ang ginawa ng LTFRB na itaas ang singilin sa pamasahe sa halagang itinakda nito ay lalong magpapalobo sa presyo ng mga bilihin at serbisyo. P10 lamang ito at pagtiisan na at ngitian, ayon kay Panelo. Pero, ang problema, kakaltas ito sa sahod o kinikita ng mamamayan. Paano na iyong mga walang trabaho o nabubuhay sa maliit na negosyo? Ang mga negosyanteng hindi maibebenta ang kanilang produkto kung hindi gagamit ng transportasyon? Idadagdag nila ang ibinabayad nilang pamasahe sa presyo ng kanilang produkto. Mababawasan na nga ang sahod o kinikita ng mamamayan, tataas pa ang halaga na mga bilihin at pangangailangan. Ito ang nakikitang epekto ng NEDA, kaya ang pangunahing rekomendasyon nito sa LTFRB ay gumawa ng paraan para mapababa ang halaga ng mga produktong petrolyo. Pabigat sa mga pasahero ang dagdag- pasahe. Ang rekomendasyon ay bilisan ang pagpapairal ng Pantawid Pasada program kung saan binibigyan ng P5,000 fuel subsidy ang 180,000 operators at makipagsundo sa mga kumpanya ng langis para magbigay ng diskuwento sa presyo ng kanilang produkto.
Sa totoo lang, parang hindi na alam ng mga taong gobyerno ang kanilang gagawin para mapabuti o mapagaan ang buhay ng mamamayan. Nang mawalan ng murang bigas ang mga pamilihang bayan at nakaamba ang kagutuman lalo na sa mga dukha, importasyon na walang limitasyon ang iniatas ng Pangulo. Sa programang ito, ang dayuhang magsasaka ang binubuhay ng salapi ng mga Pilipino sa halip na sila ang makinabang.
-Ric Valmonte