Isang araw makaraang aprubahan ang P2 taas-pasahe sa jeepney, kinumpirma kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapatupad ito ng P1 na provisional fare increase sa mga pampasaherong bus sa Metro Manila.

Sa Order na may petsang Oktubre 18, pinahintulutan ng LTFRB na magdagdag ng piso sa minimum na pasahe ang mga ordinary at air-conditioned na bus sa National Capital Region (NCR).

Pinahihintulutan na ang mga bus sa Metro Manila na magpatupad ng taas-pasahe kaya mula sa P10 sinisingil sa ordinary buses ay magiging P11 na ito, habang ang P12 sa air-conditioned bus ay magiging P13 ang singil sa unang limang kilometro ng biyahe.

Gayunman, hindi dinagdagan ang sinisingil sa bawat susunod na kilometro at mananatili sa P1.85 ang dagdag-singil sa mga ordinary bus, at P2.20 sa air-conditioned buses.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Samantala, tinanggihan naman ng LTFRB ang pagtataas ng singil sa lahat ng provincial bus, bagamat pinayagan silang magdagdag ng P0.15 sa bawat susunod na kilometro matapos ang unang limang kilometrong biyahe.

Batay sa order na pirmado ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III at nina Board Members Engr. Ronaldo Corpus at Atty. Aileen Lizada, ang taas-pasahe ay magiging epektibo sa Nobyembre, o 15 araw makaraang mailathala sa pahayagan ang nasabing desisyon ng ahensiya.

Pebrero ng ihain ng Southern Luzon Bus Operators Association (SOLUBOA), Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas (dating PBOAP), at Samahang Transport Operators ng Pilipinas (STOP), Inc. ang nasabing petisyon para sa taas-pasahe sa bus.

-ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN