Sinelyuhan ng gobyerno ng Pilipinas ang makasaysayang kasunduan sa isang kumpanyang Israeli para maghanap ng langis at gas sa bansa.
Ang Petroleum Service Contract (PSC) para sa East Palawan Basin ay nilagdaan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Itay Raphael Tabibzada, president at chief executive officer ng Israel-based Ratio Petrolum Ltd., sa closed-door ceremony sa Malacañang nitong Miyerkules.
Sa ilalim ng inisyal na pitong taong kontrata, maaaring galugarin ng Ratio Petroleum ang Area 4 na sumasakop sa 416,000 ektarya ng East Palawan Basin para maghanap ng langis at gas. Ang minimum expenditure ay nagkakahalaga ng US$34.3 milyon para sa studies, data gathering at drilling activities.
“This is the first petroleum service contract signed by the President under his administration,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing sa Palasyo.
Sinabi ni Panelo na umaasa ang gobyerno na matutuklasan ang potensiyal na pagkukunan ng langis sa ilalim ng pagsisikap ng Pilipinas at ng mga Israeli.
“We’ve been dependent on oil producing counties for our oil so we need to boost the exploration and development of our own energy resources,” ani Panelo.
“Hopefully magkakaroon tayo ng oil. Makakita tayo ng oil and it will definitely help our country,” aniya pa.
-GENALYN D. KABILING