Paiigtingin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga kandidato sa 2019 midterm elections sa posibleng pagkuha ng permit-to-campaign (PTC) at permit-to-win (PTW) sa New People’s Army (NPA) na nasa kabundukan sa Mindanao.
Sa pahayag ni PNP spokesman, Chief Supt. Benigno Durana, Jr., gagawin nila ang lahat upang tiktikan ang nasabing mga kandidato na sumusuporta rin sa operasyon ng rebeldeng grupo sa Compostela Valley.
Sa panig naman ni Col. Gilbert Saret, commander ng 1001st Infrantry Brigade (IB) ng Philippine Army (PA) na nakabase sa Maco, Compostela Valley, madalas namamataan ang mga kaanib ng NPA sa lugar upang pilitin ang mga kandidato na kumuha sa kanila ng permit upang hindi sila manggulo sa pangangampanya ng mga ito.
Hindi, aniya, nila pinapayagan ang pagkuha ng anumang permit mula sa rebeldeng grupo dahil lumalabas na senyales ito ng pagsuporta ng kandidato sa kanilang adhikain.
Nagsasagawa na umano ng intelligence monitoring kaugnay ng usapin.
-Fer Taboy