EKSAKTONG 11 taon na ang nakararaan nang maganap ang nakaririnding pagsabog sa Glorietta 2 sa financial district ng Ayala sa lungsod ng Makati, na nag-iwan ng malaking ‘black eye’ noon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), dahil sa agarang pagsasapubliko na ang bombang sumabog dito ay kagagawan ng mga terorista.
Sa pangyayari ito ko muling naramdaman na nabuhay at bumilis ang pagdaloy ng aking “dugong-police-reporter” na ramdam ko nang unti-unti nang “lumalapot” dahil sa halos limang taon na akong “nakatali” sa opisina bilang isang Senior Newsdesk Editor ng GMA7 at ‘di na nakapapasyal sa dati kong beat – ang mga police stations at mga kampo ng pulis at militar sa Metro Manila.
Araw iyon na kung tawagin ng mga empleyado ay TGIF (Thank God It’s Friday!). Katanghaliang tapat noon ng Oktubre 19, 2007, pauwi pa lamang ako mula sa magdamag na pagdyu-duty sa desk, nang marinig ko sa radyo ng kotse na may pagsabog na naganap sa Glorietta 2 sa Makati, at sinabing 11 na ang kumpirmadong patay at maraming sugatan.
Nagkibit balikat lamang ako, bulong ko sa aking sarili, tapos na ako sa ganyang klase ng trabaho bilang isang beat reporter, kaya nagpatuloy ako sa pagmamaneho.
Ngunit nang huminto ako at mag-park, noon ko lamang napansin na nasa Makati na pala ako, ‘di kalayuan sa lugar na may sumabog. Marahil ay hinatak ako sa lugar ng aking “instinct”, dahil dati-rati ay palagi akong nasa mga lugar na may malaking “breaking story” para mag-cover.
Malayo pa lamang sa Glorietta 2 ay halos ‘di mo na mabanaag ang lugar sa kapal ng alikabok sa buong paligid. Ang kapansin-pansin pa ay ang grupo ng mga taga-media na ‘di makapasok sa “yellow line” na agad ipinalibot ng mga security sa buong Glorietta Shopping Complex. “Off limits” agad ang mga media sa loob, kaya nasa paligid lamang sila at naghihintay sa anumang impormasyon na ipapasa ng mga imbestigador na tanging nakapasok sa loob ng Glorietta 2.
Mula sa aking kinatatayuan ay natanaw at namukhaan ko ang ilan sa mga operatibang nag-iimbestiga na mga mukhang isnabero dahil hindi pinapansin ang mga reporter na kumakaway o pilit nakikipagsenyasan sa kanila.
Ang nasa isip ko ng mga oras na iyon ay ang payo ng LODI kong photographer na si Tata Willy Vicoy, na nasawi sa isang delikadong coverage sa isang lalawigan sa Hilagang Luzon, na naging gabay ko sa lahat ng coverage ko na bawal pumasok ang lahat ng taga-media: “Kapag ipinagbawal na ng mga awtoridad na makapasok ang taga media sa isang lugar kung saan may breaking story na nagaganap, gumawa ka ng paraan na maka-penetrate at siguradong naroon ang scoop!”
At iyon ang aking sinunod – kaya habang ang mga reporter ay kukuya-kuyakoy sa labas ng Glorietta 2, nakapasok ako sa loob at nakakuha ng mga “still photos” na unang-unang lumabas sa online news ng GMA7. Narinig ko rin ng “firsthand” mula sa mga banyagang imbestigador na nasa loob ng gusali kung ano ang posibleng dahilan ng pagsabog na agad kong itinawag sa isa sa aking mga “Boss” sa aming opisina.
Sa susunod na bahagi ay ididetalye ko sa inyo ang pamamaraang ginawa ko kaya ako nakapasok sa loob ng Glorietta 2 at nakakuha ng “scoop” na materyales na pinag-piyestahan naman ng mga kaibigan kong mga “maniniyut” (photographer) ng lahat ng foreign wire agencies na nasa lugar at nagko-cover. Nang makita ako ng isa sa kanila ay pasimple akong lumabas ng Glorietta 2.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.