NAITALA ng reigning 4-time girls champions National University ang ikalawang sunod na panalo nang pataubin ang Adamson University, 25-16, 22-25, 25-27, 25-12, 15-7, nitong Miyerkules sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament sa Blue Eagle Gym.

Umiskor si Alyssa Solomon ng 19 puntos at 9 digs kasunod sina Faith Nisperos at Sheena Toring na nagtala ng tig-16 puntos para sa Bullpups na bumalikwas mula sa 1-2 set deficit at nalusutan ang itinala nilang 47 errors upang magapi ang Baby Falcons.

Pinangunahan naman ni May Ann Nuique na may 13-puntos ang Adamson University na bumaba sa ikatlong puwesto taglay ang barahang 2-1.

Sa isa pang laban, nagposte si Imee Hernandez ng 13 puntos habang nagdagdag si Regina Jurado ng 12 hits nang padapain ng University of Santo Tomas ang Far Eastern University-Diliman, 25-20, 25-23, 25-20, upang sumalo sa NU sa liderato.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Winalis naman ng University of the East ang UP Integrated School, 25-19, 25-17, 25-22, sa isa pang girls match upang makapasok sa win column.

Nanatili naman ang NU bilang undefeated team sa boys division matapos igupo ang FEU-Diliman, 25-20, 21-25, 25-16, 25-18.

Umiskor sina Pol Santiago at Lorence Cruz ng pinagsamang 19 puntos upang giyahan ang Bullpups sa ikatlong sunod nilang panalo.

Namuno naman si Jose Javelona na may 14 puntos para sa Baby Tamaraws na naputol ang naitalang back-to-back wins at bumaba katabla ng Adamson University, na namayani kontra Ateneo, 25-18, 25-7, 25-14 at ng University of Santo Tomas na nagwagi naman laban sa University of the East, 25-18, 25-17, 25-18.

Samantala, nakamit naman ng De La Salle-Zobel ang unang panalo matapos payukurin ang University of the Philippines Integrated School, 25-15, 25-13, 25-10.

-Marivic Awitan