Naghihimas ng rehas ang umano’y holdaper nang maaktuhan ng mga pulis na binibiktima ang isang taxi driver sa Barangay San Roque, Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Sasampahan ng mga kasong Robbery with Intimidation at paglabag sa Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si Mark Ryan Duran, 33, ng Bgy. San Isidro, Angono, Rizal.

Si Duran ay inaresto ng mga miyembro ng Police Community Precinct 1 (PCP-1) ng Marikina City Police, sa pangugnuna ni Police Senior Insp. Renato Samson, matapos na holdapin si Eduardo Parrocha, 61, taxi driver, residente ng Bgy. Project 6, Quezon City.

Sa ulat, naganap ang panghoholdap sa Chestnut Street, kanto ng Flamingo St., sa Bgy. San Roque, dakong 11:00 ng gabi.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa reklamo ni Parrocha, nagpanggap na pasahero ang suspek at sumakay sa kanya sa Farmers, Cubao, Quezon City saka nagpahatid sa Bgy. San Roque.

Gayunman, pagsapit sa Chestnut Street ay bigla umanong nagdeklara ng holdap ang suspek at tinutukan ng kutsilyo ang leeg ng biktima at sinabing, “Pera lang ang kailangan ko!”

Agad na inabot ng taxi driver ang kinita nito, ngunit nagalit umano ang suspek at sabay saksak sa biktima, na maswerte namang nakailag.

Sa puntong ito, namataan ng mga tauhan ng PCP-1, na nagsagawa ng Oplan Sita, ang taxi na naka-hazard signal sa lugar at napansin ang komosyon.

Agad na rumesponde ang mga pulis at nang makita sila ng biktima ay sumigaw ng, “Sir, hinoholdap ako!”

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga pulis at dinakip ang suspek, na nakumpiskahan ng isang patalim, P120 cash, isang wallet na may iba’t ibang identification (ID) card at sling bag na may tatlong pakete ng umano’y shabu.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Marikina City Police.

-Mary Ann Santiago