Mga laro Ngayon

(Ynares Sports Center)

4:30 n.h. -- Columbian Dyip vs Rain or Shine

7:00 n.g. -- Meralco vs Magnolia

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

PATATAGIN ang kapit sa solong pamumuno ang tatangkain ng Magnolia sa pagtutuos nila sa naghahabol na Meralco Bolts sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayon sa PBA Governors Cup.

Maghaharap ang Bolts at Hotshots sa huling laro ganap na 7:00 ng gabi pagkatapos ng unang sagupaan sa pagitan ng nasibak nang Columbian Dyip at Rain or Shine ganap na 4:30 ng hapon.

Kasalukuyang nasa ika-9 na puwesto at “must win situation” sa kanilang nalalabing tatlong laro ang Meralco taglay ang barahang 2-6 habang target naman ng Hotshots ang ikawalong panalo kontra isang talo na magpapatatag ng kanilang solong pamumuno papasok ng playoff round.

Mula ng malasap ang nag-iisang kabiguan sa kamay ng Phoenix nitong Setyembre 23, 82-95, nagtala ng limang dikit na panalo ang Hotshots, pinakahuli noong nakaraang Linggo kontra Alaska Aces, 83-73.

Bagama’t nakakatiyak na ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals, sinabi ni Hotshots coach Chito Victolero na hindi yun dahilan upang mag relax na lamang sila sa mga natitira nilang laro sa eliminations.

“Hahabulin namin ang pwedeng habulin. Preparasyon na rin namin iyon for the playoffs,” wika ni Victolero patungkol sa mga nalalabing laro kontra Meralco, TNT Katropa at defending champion Barangay Ginebra.

Samantala sa unang laro, sisikapin namang tumabla ng Elasto Painters sa San Miguel Beer (3-4) sa ikapitong posisyon sa pagtutuos nila ng Dyip na hangad pa rin ang mailap na unang tagumpay pagkaraan ng siyam na laban.

-Marivic Awitan