Sinampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan si suspended Aurora Governor Gerardo Noveras at anim pang provincial official kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa maanomalyang pagpapakumpini ng isang tulay at kalsada sa lalawigan noong 2014.
Bukod kay Noveras, ipinagharap din ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) sina Provincial Administrator Simeon De Castro, Provincial General Services Officer Ricardo Bautista, Provincial Budget Officer Norma Clemente, Provincial Legal Officer Paz Torregosa, Assistant Provincial Engineer Benedicto Rojo, at Executive Assistant IV Isaias Noveras, Jr.
Sa reklamo ni Assistant Special Prosecutor III Jorge Espinal ng Office of the Ombudsman, nagsabawatan ang mga ito upang paboran ang pribadong indibiduwal na si Manding Claro Ramos ng RMCR Construction company nang i-award sa kanya ang kontrata ng pagpapa-repair ng Dimalang Bridge at ng Casiguran-Dilasag provincial road, mula Marso hanggang Setyembre 2014.
Ayon kay Espinal, hindi dumaan sa public bidding ang pag-a-award ng kontrata ng proyekto.
Kinuwestiyon din nito ang transaksiyon dahil halos tapos na ng RMCR ang proyektong pagkukumpini bago pa man matapos ang procurement process.
-Czarina Nicole O. Ong