CAMP OLA, Legazpi City - Dead on the spot ang tatlong police escort ni Food and Drug Admistration (FDA) director general Nela Charade Puno habang tatlo pa nilang kabaro ang nasugatan nang sila ay tambangan ng aabot sa 20 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Lupi, Camarines Sur, kahapon ng umaga.
Sa datos ni Police Regional Office 5 (PRO5) spokesperson, Chief Insp. Malu Calubaquib, kinilala ang mga nasawi na sina SPO1 Percival Rafael, PO3 Carlito Navarroza, at PO1 Ralph Jason Vida.
Sugatan at isinugod naman sa Bicol Medical Center sa Naga City sina PO1 Jonathan Perillo, PO1 Ruby Buena, at PO1 Rodolfo Gonzaga.
Aniya, naganap ang insidente sa Barangay Napolidan, Lupi ng nasabing lalawigan, bandang 9:10 ng umaga.
Patungo ang anim na pulis sa Daet, Camarines Norte, sakay sa PNP marked vehicle, upang magsilbi sanang police escort ni Puno, na dadalo sa Consumers Awareness Advocacy and Collaboration Activity sa Daet nang maganap ang pananambang, ayon kay Calubaquib.
"Coordination has been made with the Philippine Army units and were already in joint pursuit operation. Also, upon receipt of the said report, CPS/MPS in adjacent municipalities conducted checkpoint in all strategic locations in their respective AOR. Wounded personnel were immediately brought to Bicol Medical Center (BMC), in Naga City," sabi nito.
-NIÑO N. LUCES at FER TABOY