Nasa 123 katao ang dinakip sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa sa katimugang Metro Manila sa nakalipas na magdamag, ayon sa Southern Police District (SPD).
Sa ulat ni SPD Spokesperson Supt. Jenny Tecson, nagpatupad ng ordinansa ang mga pulis sa Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig City at Pateros, na nagtapos bandang 5:00 ng madaling araw kahapon.
Sa kabuuang bilang, umabot sa walong indibiduwal ang nahuling umiinom ng alak sa pampublikong lugar, siyam ang nakahubad baro, 32 naninigarilyo, at 74 ang lumabag sa curfew.
Tanging sa Pateros walang naitalang lumabag sa ordinansa habang pinakamataas sa Muntinlupa, 40; at sinundan ng Makati City, 37.
Sa 123 ordinance violators, 36 ang pinagmulta, 83 ang binalaan, apat ang kinasuhan at may walong detainees na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
-Bella Gamotea