Babantayang maigi ng Philippine National Police (PNP) ang mga insidente ng vote-buying sa midterm elections sa Mayo, 2019.
Ito ang ipinangako kahapon ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde at sinabing ito ang matagal na nilang ikinokonsiderang malaking problema tuwing eleksiyon.
Aminado si Albayalde na mahihirapan silang usigin ang sinumang sangkot sa bilihan ng boto, na ikinokonsiderang ilegal, alinsunod sa Omnibus Election Code.
“Alam mo ‘yung vote-buying, dapat ay makuha mo from the act. Dapat may nagbigay ng pera, may tumanggap at may nagpabigay,” paliwanag ni Albayalde.
“Pero napakahirap dahil napakaraming lusot. Sasabihin nagbabayad lang ng utang. But we filed charges for vote-buying last election pero usually napakahirap mag-prosper kasi napakahirap i-prove,” pag-amin ng PNP Chief.
Aniya, ang tanging ginagawa ng PNP ay paigtingin ang police visibility sa mga lugar na may history ng talamak na bilihan ng boto, at kakasuhan ang mga naaaktuhang gumagawa nito.
“‘Yung mga kandidato na rin also, huwag na rin sila mag-ano pero hindi natin alam kung susunod sila,” paglalahad ni Albayalde.
Ang vote-buying, ayon kay Albayalde, ay may katumbas na parusang pagkakabilanggo ng isa hanggang anim na taon.
Kaugnay nito, ipinangako rin ni Albayalde na isasapubliko ng PNP ang mga election watchlist area, o ang mga lugar na kinakailangang bantayan dahil sa history ng mga election-related violence.
-Martin A. Sadongdong