SA kabila ng anim na buwang pagsasara ng isla ng Boracay ngayong taon, umakyat sa 8.5 porsiyento mula sa dating 4.85% sa nakalipas na walong buwan ang dumagsang mga turista sa Pilipinas, inanunsiyo ng Department of Tourism ngayong linggo.
Nanatili ang South Korea bilang nangungunang pinagmumulan ng mga bisita na may 1.06 milyon. Bumaba ang bilang ng 0.01%, ngunit nanatili sa 21.84% ng kabuuang bilang ng mga dumating.
Pumangalawa naman ng mga Chinese sa mga bumisita sa 870,177—35.67% mas malaki kumpara noong 2017. Nag-ambag ito ng 17.94% sa kabuuang bilang ng mga bumisita sa bansa.
Estados Unidos naman ang pumangatlo sa listahan na may 715, 060 bilang ng turista, 14.7% mula sa kabuuang bilang. Umangat ito ng 8.2 % mula noong nakaraang taon.
Sumusunod naman sa listahan ang walong bansa ng Japan, Australia, Canada, united Kingdom, Singapore, Malaysia, Hongkong, at India.
Kung sarado ang Boracay sa mga panahong ito, saan bumisita sa Pilipinas ang milyun-milyong turista? Nagbigay ng indikasyon ang mga mambabasa ng international travel magazine na Conde Nast Traveler sa naging resulta ng survey nito sa kanilang mga international readers. Pinili nila ang isla ng Siargao, na may 15 surfing site, bilang kanilang “top pick”.
Sumunod dito ang Boracay sa mala-pulbos nitong buhangin at asul na tubig, kasama ng masayang “night life”. Ikatlo sa listahan ang Palawan. Tatlong isla sa Pilipinas at ito ang mga nanguna bilang top three picks ng mga mambabasa ng Conde Nast Traveler magazine.
Magbubukas na ang Boracay sa Oktubre 26—kasama ng mga opisyal na determinadong maiwasan na ang mga pang-aabuso na nagdulot ng anim na buwang pagsasara ng isla noong Abril 26. Sa isang pagkakataon, mahigit 100,000 katao ang napaulat na nananatili sa isla, halos doble ng kaya nitong 55,000 tao, turista at mga manggagawa.
Ang susing programa ay ang “sustainable tourism” ayon kay Secretary of Touris, Bernadette Romulo Puyat at ipapatupad ito sa lahat ng tourism site ng bansa. Marami pa tayong tulad nito sa mahigit 7,000 isla sa bansa at naninindigan tayo na hindi na mauulit ang naging karanasan ng Boracay, hindi lamang para sa ating mga bisitang turista, ngunit higit para sa sarili nating mamamayan.