WALANG duda, parang opium ang pulitika sa Pilipinas, isang adiksyon, nakalalasing, nakahihilo at hindi maiwanan. Tulad ni Juan Ponce Enrile (JPE) ng Cagayan na ngayon ay 94-anyos na, naghain siya ng certificate of candidacy (COC) noong Martes sa pagka-senador sa 2019 elections.

Bukod kay Enrile na dating Defense Minister at martial law administrator noong panahon ni ex-Pres. Ferdinand Marcos, naghain din ng COC si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, 89-anyos, kakandidato siya sa pagka-gobernador ng probinsiya. Ang katambal niya bilang vice governatorial bet ay ang apo na si Matthew Manotoc, bunsong anak ni Gov. Imee Marcos at ng sikat na golf player na si Tommy Manotoc.

Si Imee ay tatakbo sa pagka-senador. Ang iba pang narahuyo ng opium ng pulitika sa bansa ay sina ex-DILG Sec. Mar Roxas na tinalo ni PRRD sa panguluhan noong 2016; ex-Quezon Rep. Erin Tanada, apo ni ex-Sen. Lorenzo Tanada; Sen. Bam Aquino, ex-Sen. Jinggoy Estrada, Sen. JV Ejercito, Taguig City Rep. Pia Cayetano, human rights lawyer Jose Manuel “Chel” Diokno, anak ni ex-Sen. Jose W. Diokno at marami pang iba.

Nang dahil sa nakalalasing na rahuyo ng pulitika, maging ang magkakapatid at magkakamag-anak ay naglalaban para malagay sa puwesto. Ang pinaka-halimbawa sa labanang magkapatid o magkamag-anak ay ang dalawang anak ni ex-Vice Pres. Jejomar Binay. Naglalaban sa pagka-mayor ng Makati City sina incumbent Mayor Abigail Binay at kapatid na dating Mayor Junjun Binay.

oOo

Sisikapin ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na masugpo ang gun-for-hire groups at mga may-ari ng loose firearms. Dapat nilang pagtuunan ng pansin ang mga kandidatong gagamit ng tatlong G upang manalo. Ang mga ito ay Guns, Goons at Gold. Higit sa lahat, hanapin din nila ang gagamit ng D at S (Drugs at Shabu) upang masawata ang mga ito na maluklok sa puwesto.

oOo

Samantala, pinaalalahanan ni PDu30 ang mga pulis at sundalo na maging neutral sa darating na halalan. Hindi sila dapat kumampi sa kahit na sinong kakandidato. Sa banner story ng BALITA nitong Miyerkules, “Dapat neutral kayo”, binalaan niya ang mga kawal at pulis na iwasan ang pagsali at pagkampanya para sa sinumang pulitiko.

Kaugnay nito, sinabi ng ating Pangulo na walang kandidato ng administrasyon ang papayagang gumamit ng pondo ng gobyerno. Ayon sa Malacañang, hindi bibigyan ng special treatment si Special Assistant to the President Bong Go na naghain ng COC kasama si Mano Digong sa Intramuros.

Nasorpresa raw ang Comelec, ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, nang ang mga supporter ni Go, kabilang si PRRD, ay nagpunta sa Comelec office upang hikayatin si Go na tumakbo dahil sa pag-aatubili nito.

Pinapayagan lang ng Comelec ang isang kandidato na magsama ng apat, subalit sa kaso ni Go, sangkaterba ang kanyang kasama sa Comelec, tulad ng mga tauhan ng Presidentail Security Group na alalay ng Pangulo.

-Bert de Guzman