DeRozan at Leonard, bumida sa bagong tahanan

SAN ANTONIO (AP) — Bagong koponan. Bagong career kay DeMar DeRozan. Ngunit, saan man mapunta, tiniyak ng All-Star guard at Olympic gold medalist ang pagiging isang tunay na lider.

NAILUSOT ng San Antonio Spurs ang makapigil-hiningang 112-108 panalo laban sa Minnesota Timberwolves sa krusyal na off-the-glass jumper ni DeMar DeRozan sa harap nang depensa ni Jimmy Butler. (AP)

NAILUSOT ng San Antonio Spurs ang makapigil-hiningang 112-108 panalo laban sa Minnesota Timberwolves sa krusyal na off-the-glass jumper ni DeMar DeRozan sa harap nang depensa ni Jimmy Butler.
(AP)

Hataw si DeRozan sa naiskor na 28 puntos sa kanyang debut sa San Antonio, habang kumana si LaMarcus Aldridge ng 21 puntos at 19 rebounds para maisalba ang matikas na ratsada ng Minnesota Timberwolves sa krusyal na sandali tungo sa 112-108 panalo nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Nakuha ng Spurs si DeRozan mula sa Toronto kapalit ni Kawhi Leonard sa kontrobersyal na trade sa off-season. Sa naturang trade, nabitiwan din ng Spurs si sweet-shooting Danny Green at Jakob Peeltl.

Tulad ni Leonard, personal ding hiniling ni Jimmy Butler na i-trade siya ng Minnesota, ngunit hindi ito naganap. Sakabila nito, pinangunahan ni Butler ang Wolves sa natipang 23 puntos. Nag-ambag sina Jeff Teague at Andrew Wiggins ng 27 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Kumasa naman sa Spurs sina Rudy Gay na may 18 puntos at Bryn Forbes na kumana ng 11 puntos sa unang pagkakataon na mapabilang sa starting five.

Umabante ang San Antonio sa pinakamalaking 11 puntos na bentahe sa first half, ngunit nakabalik ang Minnesota mula sa 12-4 run para makalapit sa 48-46 a second period.

Muling kumalawa ang Spurs sa 99-92 bentahe matapos ma-foul out si Wolves star Karl-Anthony Towns may 4:18 ang nalalabi sa laro. Nag-ambag lamang si Towns ng walong puntos at siyam na rebounds.

RAPTORS, 116, CAVALIERS 104

Sa Toronto, ganado rin Kawhi Leonard sa kanyang debut game sa naiskor na 24 punto at team-high 13 rebounds, habang nagsalansan si Kyle Lowry ng 27 puntos sa panalo ng Toronto Raptors kontra Cleveland Cavaliers.

Hataw din sina Fred VanVleet sa naiskor na 14 puntos, Pascal Siakam at Danny Green na may 13 at 11puntos, ayon sa pagkakasunod para hilahin ang winning streak ng Raptors sa anim na sunod na panalo sa season opener at unang panalo para sa bagong coach na si Nick Nurse.

Nanguna si Kevin Love sa Cavaliers na may 21 puntos at humugot si Cedi Osman ng 17 puntos at 10 rebounds para sa Cleveland na nilayasan ni LeBron James para maglaro sa Los Angeles Lakers.

PELICANS 131, ROCKETS 112

Sa Houston, nadomina ng New Orleans Pelicans, sa pangunguna nina Anthony Davis na tumipa ng 32 puntos, 16 rebounds at walong assists at Nikola Mirotic na umikor ng 30 puntos, ang Houston Rockets.

Humugot din si Davis ng tatlong blocks at tatlong steals, habang tumipa si Mirotic ng 6-of-8 sa three-point at nag-ambag si Julius Randle ng 25 punto mula sa bench.

Nanguna si Eric Gordon sa Rockets na may 21 puntos mula sa bench, habang tumipa sina P.J. Tucker at Chris Paul ng tig-10 puntos. Nag-ambag si James Harden ng 18 puntos, 10 assists at siyam na rebounds.

Ipinagbunyi ng crowd ang pagdating ni Carmelo Anthony, ngunit nalimitahan lamang ito sa siyam na puntos mula sa 3-of-10 shooting sa loob ng 27 minuto.

PISTONS 103, NETS 100

Sa Detroit, ginapi ng Pistons, sa pangunguna ni Andre Drummond na may 24 puntos at 20 rebounds, ang Brookyln Nets para sa unang panalo ng bagong coach na si coach Dwane Casey.

Bumalikat si Blake Griffin ng 26 puntos para sa Pistons.

Nanguna si Caris LeVert sa napantayang career-high 27 puntos para sa Nets.

BUCKS 113, HORNETS 112

Sa Charlotte, kumana si Giannis Antetokounmpo ng 25 puntos, kabilang ang dalawang free throw na naging sandigan ng Milwaukee Bucks laban sa Hornets.

Naisalpak ni Antetokounmpo ang dalawang free throws may 23.7 segundo ang nalalabi. Humulagpos ang pagkakataon sa Hornets nang sumablay su Kemba Walker sa driving layup may 3.4 segundo ang nalalabi, gayundin ang puwersadong three-point attempt ni Nic Batum sa buzzer.

Ratsada rin sina Khris Middleton na may 19 puntos at Eric Bledsoe na may 17 puntos para simulan ang kampanya ng Bucks na muling makasampa sa playoffs sa ikaapat na pagkakataon sa nakalipas na limang season.

Sa Indiana, pinangunahan nina Bojan Bogdanovic at Victor Oladipo na may 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod ang Indiana Pacers kontra Memphis Grizzlies.