SIMULA na ang pagbaga ng panahon sa napipintong kampanya at halalan. Tumikom na ang pinto ng Comelec para sa mga nag-iibig kumandidato sa May 13, 2019 election.
Kapansin-pansin ang mga pakulo ng iba’t-ibang partido, gayundin ang diskarte ng mga kakandidatong “independent” upang makaani ng pansin sa media sa mga dumaang araw ng filing. Ang iba ay talagang “bumigay” na para lang makapagpagawa ng maraming T-shirt at tarpaulin na suot o dala-dala ng kanilang mga tagasuporta. May banda ng tambol kasama ang buong hanay ng partido.
Hindi maiiwasan na sa loob ng walong buwan, kung seryoso ang kandidato o partido na magwagi sa eleksyon ay handa itong magluwal ng limpak-limpak na salapi. Sa paghain pa lang ng mga COC (Certificate of Candidacy), maliban sa mga kasuotan at posters, kailangan may makakain at inumin din ang mga kasamang tagasuporta ng kandidato. Nandiyan ang gastos sa mga polyeto, na ipamumudmod sa mga tao habang naglilibot sa kabuuang kampanya. Kung gaano karami ang botante, aba’y dapat sobra pa ang na-imprenta.
Huwag kaligtaan na malapit na rin ang Pasko. Ibig sabihin, may ibang kandidato diyan na mamimigay ng regalo sa mga lider nito o kaya ay mqglalabas ng Christmas posters na bumabati sa mga botante niya. Siyempre, kailangang may ilang dikit brigade para sa mga kalendaryo o posters, na kadalasang makikitang nakapaskil sa mga tindahan o bahay ng tagataguyod sa kandidatura ng pulitiko.
Paano pa kaya kung pang-senador ang tinatakbuhan? Dadanak kaya P300M piso sa lansangan? Kailangan talaga nilang maghanda ng tustusin para sa patalastas sa pahayagan, radyo at telebisyon. Ang alam ko, sa sikat na mga istasyon ng TV, halos P300,000-P400,000 piso ang bayad sa 30 segundong advertisement.
Sa araw ng eleksyon, kailangan ay nakapag-impok ang pulitiko ng pondo para sa mga watchers sa presinto, pambili ng mga boto, sasakyang panghakot, at sari-sari pang gastusin. Isama na rin ang raket ng Smartmatic para sigurado ang pagwawagi.
Tuloy, sumasagi sa isip ko, bakit ba handa ang pulitiko na maglabas ng milyones para sa posisyon na ang sweldo ay hindi man lang ganoon kalaki para maibalik ang kanilang ipinuhunan? Mas matayog ba ang ating demokrasya kung lumolobo ang gastos taun-taon? Ang angkop na hamon para sa kinabukasan ng halalan ay kung papaano gagawing maliit lamang ang gastos sa panahon ng kampanya.
-Erik Espina