Isang taon matapos ang madugong limang buwang digmaan sa Marawi, ginunita ng Malacañang ang mga pagkatalo at tagumpay na bunga ng paglaban sa Islamic State (ISIS)-inspired terrorists, at kung paano magsisimula ang bagong kabanata sa buhay ng mga apektado nito.

Opisyal na ipinahayag ni Pangulong Duterte ang paglaya ng Marawi City sa Lanao del Sur noong Oktubre 17, 2017, isang araw matapos mautas ng puwersa ng gobyerno ang mga lider nitong sina Isnilon Hapilon at Omar Maute. Makalipas ang 365 araw, ginugunita ng Malacañang ang mga nangyari sa Marawi siege.

“As we celebrate the triumphs of our government troops against the Daesh-inspired Maute rebels, we pay tribute to those who have fallen in the fierce battles during the siege of Marawi and gave the ultimate sacrifice to make our nation safer and more secure,” sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Nasawi sa digmaan ang 168 puwersa ng gobyerno at 87 sibilyan. Napaslang ng mga tropa ng pamahalaan ang 974 ma militante, kabilang ang 13 banyaga simula nang sumiklab ang digmaan noong Mayo 23, 2017. Ayon kay Panelo, ang tagumpay ng gobyerno sa Marawi City ay resulta ng pagkakaisa laban sa mga puwersang nagbabanta sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Panelo na nagsisimula ngayon ang paghilom at pagbangon ng Islamic city at ng kanyang mga residente. Sa paglikha ng Task Force Bangon Marawi, sinimulan ng gobyerno ang “arduous” tasks of recovery, reconstruction, and rehabilitation of the war-torn city.

“Sa ating pagtutulungan at pagkakaisa, babangon muli ang Marawi tungo sa isang tahimik at maunlad na siyudad na hangad natin lahat,” aniya.

HEROES OF MARAWI

Ginunita rin ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes ang unang anibersaryo ng paglaya ng Marawi City mula sa mga kamay ng teroristang Maute.

Nagbigay-pugay si PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa lahat ng uniformed at non-uniformed policemen, state forces at sibilyan na nagbuwis ng buhay sa digmaan.

“Unang-una sa mga nasawi tayo ay nakikiramay sa kanilang mga pamilya at doon sa tinatawag nating ‘Heroes of Marawi.’ Once again, tayo ay very proud for all of them dahil sila ay once upon a time naging part of the history, not only of the PNP or AFP [Armed Forces of the Philippines] but the whole country at tayo ay nagpapasalamat sa kanilang kabayanihan,” ani Albayalde sa Camp Crame.

Sinabi ni Albayalde na marami pa ang kailangan gawin sa Mindanao, lalo na sa Marawi City, dahil ang terorismo ay isang pandaigdigang banta. “Siguro magsama-sama, magtulong-tulong tayo para maubos na kasi ‘di lang isang grupo ‘yan,” aniya.

TULONG NG AMERIKA

Sa tuwina’y nakaalalay sa Pilipinas, umabot na sa halos P3.2 bilyon (US$59.1 milyon) ang ayuda at pondong iniabot ng gobyerno ng United States sa Marawi City ayon sa fact-sheet na inilabas ng US Embassy sa Manila kahapon.

Ang kabuuang halaga ay pinalakas ng paglulunsad nitong nakaraang taon P1.35 bilyon Marawi Response Project ng USAID – isang three-year program na dinisenyo para pagbutihin ang economic at social conditions ng mga komunidad na apektado ng digmaan.

-ROY C. MABASA, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at MARTIN A. SADONGDONG