SA unang pagkakataon ay napasok namin ang SM Megamall Cinema 1, kung saan ginanap ang premiere night ng First Love nina Aga Muhlach at Bea Alonzo, na idinirek ni Paul Soriano, at produced ng Ten17 Productions at Star Cinema.

Sobrang bango ng buong Cinema 1, at inisip namin kung ilang bote ng pabango ang ini-spray dito para mapabango ang nasabing napakalaking venue. Hindi kasi ganito kabango ang Cinema 7, kung saan madalas ginaganap ang premiere night ng mga pelikula.

Nagtanong nga kami sa staff ng Star Cinema kung bakit sa Cinema 1 ginanap at nakakapanibago. “Maganda po kasi ang audio roon, parang bago po yata.”

Well, bukod siguro sa magandang audio ay dahil malalaking artista ang dadalo sa event, kaya siguro pinabanguhan nang husto.

Tsika at Intriga

Carlos Yulo, wala pa raw naibibigay na tulong sa pamilya kahit palihim na abot?

Nagpiyesta naman ang mga mata ang mga supporters na nag-abang sa nasabing sinehan, dahil pawang sikat na personalidad ang nakita nila at kinuhanan ng litrato.

Sa pangunguna nina Aga at Bea, na lumakad sa red carpet, naroon din ang mag-iina ng aktor na sina Charlene Gonzalez, Atasha at Andres Muhlach; ang mag-asawang Direk Paul at Toni Gonzaga-Soriano; si Zanjoe Marudo; ang mag-asawang Sarah Lahbati at Richard Gutierrez; sina Maymay Entrata, Edward Barbers, Albie Casiño; ang Los Bastardos cast na sina Diego Loyzaga, Jake Cuenca, Joshua Colet, Gerald Anderson, Claudine Barretto, at ang nag-iisang Hari ng Primetime na si Coco Martin.

Nakita naming magkasamang dumating sina Bea at Gerard, pero pinaunang pumasok ang aktor dahil kasabay ng aktres sina Aga at Direk Paul papasok sa loob ng sinehan.

Kumpleto rin ang bigwigs ng ABS-CBN at Star Cinema, sa pangunguna nina Olive ‘Inang’ Lamasan, Malou N. Santos, Enrico C. Santos, Dreamscape Business Unit Head, Deo T. Endrinal, Biboy Arboleda, at iba pa.

Siyempre present din ang supporters ni Bea na nanggaling pa sa malalayong lugar, kaya naman pinasalamatan sila ng aktres sa pagdalo sa premiere ng First Love.

Nanibago kami sa premiere night dahil kadalasan kapag nanonood kami ay maingay dahil nagre-react ang mga supporters, pero sa First Love ay hindi, dahil nakita naming ine-enjoy nila ang bawat eksena nina Nick (Aga) at Ali (Bea), at ang magagandang lugar sa Vancouver, Canada.

Totoo nga ang sinabi ni Direk Paul, sobrang ganda ng Vancouver! Kaya pala madalas itong gamiting backdrop ng mga Hollywood movie, at nabanggit pa na habang nagsu-shoot sila ay may anim na pelikulang sinu-shoot din doon sa iba’t ibang lugar din.

Oo nga, nalaman din naming sa Vancouver din pala kinunan ang pelikulang John Wick 1 and 2 ni Keanu Reeves dahil nahagip ng camera ni Direk Paul ang hotel (Continental Hotel) kung saan nagpupunta si John Wick tuwing may laban siya at si Lance Reddick bilang si Charron na concierge ng nasabing hotel.

Going back to First Love, basahin ang magandang rebyu ni Bossing DMB dahil tiyak na panonoorin ninyo ang pelikula nina Aga at Bea, na sinimulan nang ipalabas kahapon, Oktubre 17, sa maraming sinehan sa nationwide.

-Reggee Bonoan