Sila ang Opposition 8.

Mula sa inisyal na listahan ng 18 Senate hopefuls, nakumpleto na rin sa wakas ng opposition coalition ang senatorial slate nito, ipapambato ang walong kandidato sa 2019 midterm elections.

Ang 8-member slate ay binubuo ng isang constitutional law expert, isang election lawyer, isang civic leader, scions ng Martial Law regime stalwarts, isang comebacking at re-electionist senator, at isang dating sundalo.

Sila ay ang mga abogadong sina Florin Hilbay at Romulo Macalintal, Samira Gutoc Tomawis, Chel Diokno at Erin Tañada III, Mar Roxas II, Bam Aquino III, at Gary Alejano.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ni Vice President Leni Robredo, namumuno sa Liberal Party, na opisyal na ipapahayag ng opposition coalition ang final senatorial lineup nito sa susunod na linggo sa kanyang pagbabalik mula sa United States at Canada.

“Naka-schedule kami sa October 24. Gusto naming patapusin muna iyong filing (of certificates of candidacy),” ani Robredo sa panayam ng RMN-DZXL 558 sa Vancouver, Canada.

“Makikita niyo naman pag-announce namin na iyong pagpili talaga nito, pinaghirapan -- pinaghirapan na sisiguraduhin na hindi popularity iyong magiging basehan, pero iyong husay, iyong linis ng pangalan,” aniya pa.

Sina Hilbay, solicitor general noong panahon ni Pangulong Benigno Aquino III, at Macalintal, abogado ni Robredo sa kanyang election case, ang mga huling kandidato ng oposisyon na naghain ng kanilang COCs kahapon sa Commission on Elections (Comelec).

Ayos lang sa Vice President na hindi nakumpleto ng opposition coalition ang 12-man slate para sa senatorial elections sa susunod na taon.

“Ang sa akin, whether anim iyan o walo iyan o sampu iyan, basta quality kasi iyon ang hinihingi ng panahon ngayon,” ani Robredo.

-Raymund F. Antonio