GSWarriors, arangkada matapos tanggapin ang 2018 champ ring
OAKLAND, Calif. (AP) — Tulad ng dati, malupit ang Warriors higit sa sandaling nagigipit.

Naisalba ng Golden State Warriors ang matikas na pakikihamok ng Oklahoma City Thunder para simulan ang target na ‘three-peat’ sa impresibong 108-100 panalo nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Nagsalansan si Stephen Curry ng 32 puntos, siyam na assists at walong rebounds, habang kumana si Kevin Durant ng 27 puntos, walong rebounds at anim na assists, para urutin muli ang Thunder na sumabak na wala ang star point guard na si Russel Westbrook.
Nakawala ang Warriors sa dikitang laban sa determinadong ratsada sa fourth period upang kompletuhin ang masayang pagdiriwang sa Golden State nang tanggapin ang kanilang 2018 championship ring para sa final season game sa Oracle Arena.
Nakatakdang lumipat ang Golden State sa bagong Chase Center mula sa San Francisco Bay area.
“It’s a great move for the organization. We know that but this place is special, so we want to make sure this is a special season,” pahayag ni coach Steve Kerr.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 14 puntos mula sa 5-of-20 field goal, habang tumipa si center Damian Jones ng career-high 12 puntos mula sa 6-of-7 shooting bilang miyembro ng starting five sa kauna-unahang pagkakataon ng kanyang batang career.
Nanguna sa Thunder si Paul George sa naiskor na 27 puntos, ngunit kulang sa suporta ng mga kasangga higit at nasa bench lamang si Russel bunsod ng surgery sa kanang tuhod sa nakalipas na buwan.
Naghabol ang Oklahoma City sa 10 puntos sa halftime, subalit matikas na bumalikwas sa third period sa naisalpka na 9-of-12 shots para agawin ang bentahe sa 69-66, subalit hindi nila nakayanan ang lakas ng Warriors.
Sa kabila ng iniindang pananakit sa kanang tuhod, naglaro si Warriors All-Star Draymond Green sa loob ng 33 minuto at nag-ambag ng dalawang puntos, 13 rebounds at limang assists.
“He told me if you look tired, I’m taking you out, so, maybe I’ll try to hide it,” pabirong pahayag ni Green patungkol sa pahayag ni Kerr.
CELTICS 105, SIXERS 87
Sa Boston, hataw si Jayson Tatum sa naiskor na 23 puntos at siyam na rebounds para sandigan ang Celtics laban sa Philadelphia 76ers.
Nag-ambag si Marcus Morris ng 16 puntos at 10 rebounds mula sa bench at tumipa si Al Horford ng siyam na puntos at limang blocks.
Malamya ang simula ng Celtics, ngunit umarangkada sa second period kung saan naitarak ang 18 puntos na bentahe.
Naitala ng Boston ang mababang 43 percent shooting sa field (42 of 97) at 30 percent sa 3-point line (11 of 37). Ngunit, hindi ito dahilan para maunsiyami ang Boston fans sa pagbabalik aksyon nina Gordon Hayward at Kyrie Irving.
Humakot si Joel Embiid ng 23 puntos at 10 rebounds para sa 76ers, habang kumubra si Ben Simmons ng 19 puntos, 15 rebounds at walong assists.
Sumabak si Hayward sa unang pagkakataon matapos ma-sideline ng mahigit 10 buwan bunsod nang injury sa paa na natamo sa opening game ng Celtics laban sa Cleveland Cavaliers sa nakalipas na season.
Hindi naman nakalaro si Irving sa kabuuang ng playoff bunsod ng injury sa kanang tuhod. Kumana si Hayward ng 10 puntos at limang rebounds sa 25 minuto, habang umiskor si Irving ng pitong puntos at pitong assists.