SA isang sikretong halalan ng United Nations General Assembly nitong Biyernes, nakalikom ng 165 boto ang Pilipinas mula sa kabuuang 195, kasama ang isang abstention, para sa tatlong taong panibagong termino ng bansa sa UN Human Rights Council (UNHRC).
Taong 2015 nang unang mahalal ang Pilipinas para sa tatlong taong termino sa 47-miyembrong konseho, isa sa limang bansa sa Asya, kasama ng South Korea, Kyrgyztan, Mongolia, at United Arab Emirates. Sa pagtatapos ng unang termino, muling nahalal ang Pilipinas para sa ikalawang tatlong taong termino. Sa pagkakataong ito, ang iba pang nahalal na bansa sa Asya ay ang Bahrain, Bangladesh, Fiji, at India.
Bago ang halalan, ilang human rights activists sa buong mundo ang nagpahayag ng akusasyon laban sa kampanya sa ilegal na droga ni Pangulong Duterte, kung saan ilan ang nagsasabing nasa mahigit 12,000 ang napatay sa proseso ng kampanya. Nitong Hunyo, sinabi ng Presidential Communications Operation Office na nasa kabuuang 4,279 na drug suspect ang namatay sa kampanya simula noong 2016, “and all else other than these are either false, manufactured, or fake.” Kasunod nito’y naglabas naman ang Philippine National Police ng sarili nitong ulat na may 22,983 kaso ng lahat ng uri ng pagpatay, hindi lamang sa kaso sa droga, na inilarawan bilang “Deaths Under Inquiry.” Ngunit nasa 4,279 lamang ang idineklarang direktang may kaugnayan sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Lumitaw ang mga pangamba ng paglabag sa karapatang pantao sa simula ng kampanya laban sa ilegal na droga. Kabilang ang UN Commission on Human Rights at ang European Union sa mga nanawagan ng pangamba. Ngunit dinepensahan ng administrasyong Duterte ang kampanya nito sa pagsasabing lumilitaw na higit itong mas malala kumpara sa unang ikinatakot.
May ilang panawagan na patalsikin ang Pilipinas mula sa puwesto nito sa UN Human Rights Council. Sa halip, sa pagtatapos ng tatlong taong termino nito, muling nahalal ang Pilipinas para sa ikalawang termino nitong nakaraang linggo. Sinabi ng bagong tagapagsalita ni Pangulong Duterte, Salvador Panelo na, “The President’s campaign against illegal drugs, corruption, and criminality has, in effect, been acknowledged by the international community as essential to the protection of the right to life, liberty, and property.”
Naging isang pandaigdigang banta na ang panganib ng droga at maaaring pinag-aaralan ng maraming bansa ngayon ang naging karanasan ng Pilipinas, sa pagtinging subukan ito sa pagsisikap na malutas ang kanilang sariling mga problema. Ito ang maaaring paliwanag kung bakit 165 sa 193 miyembro ng United Nation ang bumoto upang bigyan ang Pilipinas ng ikalawang termino bilang miyembro ng UN Human Rights Council.