SA ikalawang pagkakataon, muling napabilang ang Iloilo City sa mga pinarangalan ng Galing Pook Award, na kumikilala sa pinakamagandang aksiyon ng lokal na pamahalaan sa bansa na karapat-dapat na maging ehemplo para sa iba pang local government unit (LGU) sa bansa.
Sinamahan ng Iloilo Batiano River Development Project ang iba pang siyam na LGU awardee, na pinarangalan sa idinaos na seremonya sa Quezon City, kasabay ng ika-25 taon ng Galing Pook Awards, kamakailan.
Ipinagmalaki ni Engr. Noel Hechanova, pinuno ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Executive ng Iloilo Batiano River Development Council (IBRDC), ang pagiging modelo ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng pagkakataon na magpagsama ang mga pribado at pampublikong sektor para sa isang holistikong pagsasama.
“We demonstrated that the complex process of coordination needs an LGU (local government unit). Because of that we are a model,” aniya.
Sa kanyang pagbisita sa lungsod noong nakaraang taon, pinuri ni Environment Secretary Roy Cimatu ang ilog na maaari umanong magsilbing modelo para sa iba pang mga LGU.
Sinabi naman ni Hechanova na ipinapakita ng Iloilo River ang isang “holistic approach touching on the economic, environment and human transformation.”
Inilarawan naman ni Iloilo City Mayor Jose Espinosa, sa kanyang presentasyon para sa mga panelista, ang proyekto bilang “joint collaboration among national agencies, non-government organizations, academe and civil society to address siltation, water pollution, encroachment, illegal cutting of mangroves, and informal settlements along the Iloilo River.”
“It benefited more than 50,000 residents from 35 barangays living along the Iloilo River in terms of improved health, ecological sustainability, and sense of security and livability,” aniya.
Nagsimula ang IBRDC bilang Iloilo River Council (IRDC), na binuo noong 2006 para tutukan ang mga aktibidad na nakaugnay sa rehabilistasyon ng Iloilo River.
Nabanggit din ni Hechanova na umabot sa halos P1.7 bilyon ang puhunang nagmula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan habang nasa P500 milyon ang naiambag ng pribadong sektor.
Taong 2012, pinalawak ang IRDC at ginawang Iloilo-Batiano River Development Council (IBRDC) para maisama ang kalapit nitong Batiano River.
Unang nakatanggap ang Iloilo City ng Galing Pook Award noong 2012 sa pamamagitan ng Dinagyang Festival, na nagsisilbing oportunidad upang maisulong ang magandang pamamahala sa lungsod.
Samantala, kabilang din sa mga nakatanggap ng Galing Pook Award ngayong taon ang Ridge to Reef (R2R) program ng Bindoy, Negros Oriental; “No Vote, Ibot” No More: Ending the Political Bondage in Resettlement Areas by Providing Security of Tenure ng Cagayan de Oro City; Siargao It Up! Mangrove Management and Social Tourism Program ng Del Carmen, Surigao del Norte; Reviving the Musical Tradition and Heritage by Empowering People through the Loboc Music Program ng Loboc, Bohol; Barangay eSkwela and Barangay Literacy Worker Program ng Naga City; ACHIEVE: Accessible, Holistic and Inclusive Education ng Navotas City; The Importance of Cultural Heritage Conservation and the Role of the Education Sector ng San Nicolas, Ilocos Norte; Tagumpay Works Program ng Tagum, Davao del Norte; at ang Tayo na Mapayapang Valenzuela: Tuloy-tuloy ang Asenso! The Valenzuela City Comprehensive Safety and Security Plan ng Valenzuela City.
PNA