ISA sa apat na buwan sa kalendaryo ng ating panahon ang Oktubre na nagtatapos ang tatlong huling titik sa “ber” sa Ingles at “bre” naman sa Kastila at Filipino. Ang tatlong iba pa ay Setyembre, Nobyembre at Disyembre.
Kapag sumapit na ang “ber” months, may hatid na galak ito sa mga manggagawa at empleyado sa pamahalaan at pribadong tanggapan at mga business establishment sapagkat matatanggap na nila ang kanilang 13th month pay at ang Christmas bonus na karaniwang ibinibigay kung huling linggo ng Oktubre at kalagitnaan ng Nobyembre.
May mga employer naman na ibinibigay ang 13th month pay sa una o ikalawang linggo ng Nobyembre. Ang Christmas bonus naman ay ibinibigay ng mga employer tuwing una at ikalawang linggo ng Disyembre. Dahil dito, ang mga nanay na empleyado ay nakapagtatabi na ng pambili ng bagong sapatos at damit nina nene at totoy para sa Pasko. At ang natira sa 13th month pay at Christmas bonus ay gagamitin naman sa pagbili ng mga gagamitin sa Pasko at Bagong Taon. Kasama na rito ang ibibigay na aguinaldo sa mga mamamaskong inaanak, inanakan at kamag-anak.
Sa buhay naman ng ating mga magsasaka, ang Oktubre at maging ang Nobyembre ay may hatid na pag-asa at pangamba. Ang pag-asa ay tumutukoy sa patuloy na paglilihi at pagbubuntis ng mga uhay ng palay na kanilang itinanim kung walang darating na malalakas na bagyo sa nasabing magkasunod na buwan -- ang pag-aani ng mga palay. May nadaramang galak sa puso at damdamin kung masagana ang kanilang ani. Lungkot naman kung ang kanilang inaning mga palay ay maraming tulyapis.
Ang dahilan ng pagkakaroon ng maraming tulyapis sa mga inaning palay ng mga magsasaka ay ang pagsalanta ng malalakas na ulan, na dala ng bagyong dumaan at humagupit sa lalawigan na kinaroroonan ng malawak na taniman ng palay. May sinalanta rin sa panahon ng paglilihi at pagbubuntis ng mga uhay ng palay. Nalubog sa tubig dahil napuno at umapaw ang tubig sa linang at pinitak.
Kapag hinagupit ng bagyo, kasama nito ang malakas na hagupit ng hangin at malakas na mga pag-ulan. Kasunod na nito ang pag-apaw ng mga tubig sa mga ilog na magiging dahilan ng mga pagbaha. Lubog sa tubig ang maraming bahay sa bayan. Binaha rin at lumubog sa tubig ang mga palayan sa mga lalawigan na dinaanan at hinagupit ng bagyo.
Matapos ang pagbaha, ang mga dating nakatayong mga buntis na uhay ng palay ay pawang nakadapa na. (Kung ihahambing sa babaeng buntis, tiyak na makukunan o kaya ay manganganak kahit hindi pa kabuwanan). Hindi na maaasahan ang masaganang ani sa itinanim na mga palay. Marami sa mga magsasaka ang hindi makababayad sa inutang na fertilizer o pataba. Sa mga hindi naman nawalan at nanatiling buo ang pag-asa, muli silang magtatanim.
Isang linggo pa at apat na araw ay matatapos na ang Oktubre. Maraming magsaaka sa ating bansa at mga kababayan natin na may malasakit sa mga magsasaka ang nagpasalamat sa Poong Maykapal sapagkat walang malakas na bagyong nanalasa at humagupit sa mga araw na sakop ng apat na linggo ng Oktubre. Patuloy sa pagdarasal ang ating mga magsasaka at iba nating kababayan na sana ay wala nang malakas na bagyong hahagupit sa Nobyembre.
Sa marami nating kababayan, lalo na sa mga naging biktima ng malakas na bagyo na sumalanta at nagpalugmok sa kanilang kabuhayan, ang Nobyembre ay may hatid na pangamba. Hindi na nila malilimot ang bagyong ‘Yolanda’ na sumalanta at nagpalugmok sa mga kababayan natin sa Leyte.
Hindi na rin malilimutan ang libo nating mga kababayan na nangamatay at nangalibing sa putik, na hindi na natagpuan ng kanilang mga nagdadalamhating mga mahal sa buhay at kamag-anak. Ang tangi nilang nagawa’y tangisan ang kanilang kamatayan at pabaunan sila ng dasal.
-Clemen Bautista