“GAYA na ng nasabi ko, ang pagkahalal muli ng Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) ay pagkilala sa ating bansa ng kanyang paggalang sa karapatang pantao at ng mga hakbang na ginawa ng gobyerno laban sa ilegal na droga,” wika ni Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang panayam sa kanya.
Ito ang kanyang reaksiyon sa laganap na mga batikos ng mga international human rights groups laban sa naging pasya ng UNHRC na hindi nakabubuti sa karapatang pantao, dahil sa kanilang akusasyon na ang administrasyong Duterte ang nasa likod ng extra-judicial killings na kinabilangan ng mga taong sangkot umano sa droga .
Dahil ba sa nahalal muli ang ating bansa sa UNHRC ay balewala na ang maramihang pagpatay ng mga taong pinagsusupetsahang sangkot sa droga? Sinasang-ayunan na kaya ng UNHRC ang ginawa ng administrasyong Duterte na mga pagpatay?
Ayon sa mga opisyal ng Philippine National Police, may 4,854 na ang kanilang napatay na mga nagbebenta at gumagamit ng droga dahil ang mga ito ay nanlaban. Pero, sa kuwenta ng mga grupo ng human rights, tatlong beses pang mas marami ang mga napatay na. Isa pa, paano iyong inamin ng Pangulo na ang tanging kasalanan niya sa panahon ng kanyang panunungkulan ay iyong mga extra-judicial killing? Ang paraan bang ito ay paggalang sa karapatang pantao?
Hindi ko alam kung anong klaseng kampanya ang ginawa ng mga opisyal natin para magwagi at maging bahagi ng UNHRC. Ginagamit na ito, tulad ng tinuran ni Panelo, na katwiran para sabihing iginagalang ng ating bansa ang karapatang pantao at inaayunan ng mga ibang bansa ang war on drugs ng ating gobyerno.
Eh, sa bibig mismo ng Pangulo narinig ang kawalan ng halaga ng human rights, due process, at presumption of innocence. Ang mahalaga sa kanya ay mapairal ang kanyang war on drugs at ang sinumang nagpapairal at pinapanagot nito ay kanyang responsibilidad.
“Sagot ko kayo,” wika niya nang paulit-ulit sa tuwing may okasyon na siya ay magtatalumpati at sinisingit niya ang pagsupil sa ilegal na droga.
Kaya mahirap sang-ayunan si Panelo sa kanyang sinabi na kinikilala ng UNHRC ang ating bansa bilang isang bansang gumagalang sa karapatang pantao at ang war on drugs ng administrasyong Duterte ang paraan ng pagsugpo ng ilegal na droga na nakatuon lamang sa malupit na pagtrato sa mga nagbebenta at gumagamit nito. Mga dukha ang lahat ng mga ito.
Pero, iyong mga taong ang salapi at kapangyarihan ay nagmumula rin sa droga ay walang humpay na nagpupuslit ng mga ito sa ating bansa. May mga pabrika pa sila rito at tanging mga manggagawa at tagabantay lamang ang nadarakip at nakakasuhan.
-Ric Valmonte