MISTULANG ‘rock star’ ang mainit na pagsalubong sa mga miyembro ng Team Philippines na sumabak at nagtagumpay sa 2018 Asian Para Games sa kanilang pagbabalik bansa nitong Linggo.

Masaya ang kapaligiran at punong-puno nang papuri ang natanggap ng mga Para athletes, sa pangunguna nina multiple gold medalist Ernie Gawilan sa swimming at Sander Severino sa chess, sa kanilang pagdating mula sa 12 araw na pakikipagsapalaran sa Jakarta, Indonesia.

Napagwagihan ng Team Philippines ang kabuuang 10 ginto, walong silver at 11 bronze medal para tumapos sa ika-11 sa quadrennial meet na nilahukan nang mahigit 30 bansa.

Ito ang pinakamatikas na kampanya ng Pinoy mula nang sumabak sa torneo noong 2014 edition sa Incheon, South Korea kung saan nakapaguwi lang ng limang silver at limang bronze medal.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakamit ni Severino ang apat na ginto nang pagharian ang men’s individual standard, men’s individual rapid, men’s team standard at men’s team rapid, habang nangibabaw si Gawilan sa men’s 200-meter individual medley, men’s 50-meter freestyle at men’s 400-meter freestyle.

Nagwagi rin ng gintong medalya ang men’s standard team sa chess, Kim Ian Chi ng bowling at Arthus Bucay sa cycling.

Ikinalugod ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang matagumpay na kampanya ng delegasyon at nangako na aayusin ang kanilang cash incentives mula sa ahensiya.

“Ayusin naming ‘yan sa Board. They deserved it,” pahayag ni PSC Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez.

Batay sa batas – Athletes Incentives Act – hindi kasama ang Para athletes sa pinagkakalooban ng cash incentives, ngunit may prerogative ang PSC Board na magbalangkas ng sariling resolusyon para mapagkalooban ng premyo ang mga atleta.