KUMILOS ang beteranang setter na si Jia Morado sa endgame upang tulungan ang Creamline kontra Pocari Sweat-Air Force, 25-19, 25-17, 20-25, 18-25, 16-14, nitong Linggo sa PVL Open Conference sa FilOil Flying V Centre.

Matapos masingitan pagkaraan ng naunang 2-0 set lead humabol ang Cool Smashers sa fifth set makaraang maiwan sa iskor na 5-10.

Sa tulong ni Fille Cainglet-Cayetano, nagawang burahin ng Creamline ang kalamangan mula sa service line at itinabla ang laban sa 10-all mula sa kill ni Risa Sato.

Nakuha pang lumamang ulit ng Pocari sa pamamagitan ng back-to-back hits ni Del Palomata,14-13, ngunit nagtamo ng net violation ni setter Wendy Semana.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nasundan ito ng dalawang service aces ni Morado upang tuluyang ibigay sa Creamline ang panalo.

“Who wouldn’t trust Jia Morado?” pahayag ni Creamline captain Alyssa Valdez.

“Kapag ganoon kasi na lamang ‘yung kalaban, you can’t just serve safe kasi we were on the brink of losing, you have to take a risk. High-risk, high reward,” sambit ni Morado na tumapos na may walong puntos at 44 excellent sets.

Nagtala naman si Valdez ng game-high 22 puntos, kasunod si Fil-Japanese middle blocker Risa Sato na may 16 puntos para sa Cool Smashers.

Nanguna naman sa Lady Warriors sina middle blockers Jeanette Panaga at Palomata na kapwa umiskor ng tig-19 puntos.

-Marivic Awitan