SA off season, sa tuwing matatanong si University of Santo Tomas head coach Aldin Ayo hingil sa kanyang mga recruits, iisa lamang ang kanyang bukang-bibig.
“We have CJ Cansino.”
At matapos ang first round ng eliminations ng UAAP 81 Men’s Basketball Tournament, pinatunayan ni Cansino kung bakit ganun kalaki ang tiwala sa kanya ng bagong mentor ng Tigers.
Sa simula pa lamang ng kanyang unang taon, ang do-it-all swingman ay nangingibabaw sa mga contenders para sa Rookie of the Year at nakahanay din sa top 10 ng MVP candidates.
Naitala ni Cansino ang dalawa sa kanyang best games para sa Growling Tigers kung saan siya nag-averaged ng 11 puntos, 11 rebounds, 4.5 assists, at 1.0 steals sa kanilang back-to-back na panalo dahilan para mapili siyang Chooks-to-Go Collegiate Sports Press Corps UAAP Player of the Week.
Nauna siyang umiskor ng 16-puntos, 10-rebounds, 6.0 assists at 2.0 steals sa kanilang 86-72 panalo kontra University of the Philippines nitong Miyerkules.
Apat na araw kasunod nito, bagamat nakaiskor lamang ng 5 puntos, nagtala naman si Cansino ng 12 rebounds at 3.0 assists nang padapain nilang muli ang Far Eastern University, 78-70.
Para sa 19-anyos na manlalaro, lahat ng kanyang ginagawa ay para sa school na naniwala at nagtiwala sa kanyang kakayahan mula pa noong siya ay nasa high school.
“Gusto ko lang ibigay yung best ko for UST kaya kahit pa nung Juniors hanggang ngayon, pag pumapasok ako sa loob ng court, binibigay ko talaga yung best ko,” ani Cansino.
Mas mahalaga din kaysa sa mga individual numbers para kay Cansino, ang kanilang nakakamit na panalo kung saan maraming mga kakampi niya ang nag-i-step-up sa kanilang laro.
“Lahat talaga ng effort namin as a team, lumalabas na. Kung paano kami nagpa-practice, nadadala na namin dito,” aniya.
Kaugnay nito, nangako pa ang dating Juniors MVP na lalo pang magsusumikap sa mga susunod nilang laro.“Masaya ako na yung extra hard work ko, lumalabas din, pero dagdag motivation lang yun para mas galingan ko pa.”
Tinalo ni Cansino para sa lingguhang citation ang kakamping si Zachary Huang, ang Ateneo duo nina Thirdy Ravena at Angelo Kouame, La Salle main man Aljun Melecio, at kapwa rookie na si John Lloyd Clemente ng NU.
-Marivic Awitan