IPINAHAYAG ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua ang pangamba ng China hinggil sa nakatakdang naval exercise ng Estados Unidos sa South China Sea sa susunod na buwan. Tumawag ang ambassador kay Pangulong Duterte sa Malacañang nitong Lunes.
Iniulat na plano ng US Navy Pacific Fleet na magsagawa ng serye ng operasyon sa lugar gayundin sa bahagi ng Taiwan Strait sa bahaging Hilaga sa loob ng isang linggo sa Nobyembre. Maaaring sumabay ang naval exercise sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa Pilipinas matapos ang pagdalo nito sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Papua New Guinea.
Sa kabila ng pagpapahayag ng pangamba, iginiit ng Chinese ambassador na wala itong balak na makipaglaban sa alimang bansang naghahangad ng karapatan sa isang militar na komprontasyon sa South China Sea.
Hindi kabilang ang US sa mga bansang naghahangad ng karapatan sa South China Sea, ngunit paulit-ulit nitong idinedeklara na magpapatuloy ang pagdaan at paglalakbay ng mga barko at eroplano nito sa dagat sa ilalim ng prinsipyo ng malayang paglalayag sa mundo.
Ang posisyong ito ang direktang bumabangga sa pag-aangkin ng China sa mahigit 80% ng bahagi ng South China Sea, na base sa nine-dash line sa sarili nitong mapa ay malayang teritoryo ng China. Nakapagtayo na ang China ng ilang maliit na isla sa dagat at bumuo ng mga runway at missile defense sa lugar. At sa tuwing lumalapit ang anumang barko o eroplano ng Amerika sa mga instalasyong ito, itinataboy ito ng mga barko ng China.
Ilang bansa, kabilang ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Indonesia, pati ang Taiwan, ang nakikipagtunggali para sa karapatan sa ilang mga isla sa South China Sea. Maging ang Japan ay may kahalintulad din na ipinaglalaban sa East China Sea, na inaangkin din ng China.
Nagkasundo ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na hindi gagawa ng anumang agresibong hakbang para ipagtanggol o ipilit ang kanilang karapatan sa lugar. Nagmungkahi naman ang China na sa halip lahat ay susunod sa isang Code of Conduct sa dagat upang maiwasan ang anumang komprontasyon, na magsasantabi sa pag-aagawan.
Ang Pilipinas ay sumunod sa policy of cooperation ni Pangulong Duterte sa China, sa pamamagitan ng mga programang may kinalaman sa ekonomiya at kultura. Patuloy itong naninindigan sa karapatan nito sa ilang isla sa South China Sea, na ipinagtibay ng Arbitral court sa The Hague noong 2016, ngunit hindi nito ipagpapatuloy ang paghahangad sa karapatan sa ngayon—bilang pagpapahalaga sa pagpapanatili ng malapit na ugnayan nito kasama ng malaking tulong sa ekonomiya.
Ang paninindigan ng US sa ‘freedom of navigation’ ay isang bukod na usapin. Ang mga barko at eroplano nito ay patuloy na umiikot sa buong mundo ngayon, lalo na sa mga lugar kung saan ito may malaking interes sa ekonomiya at pulitika. Sa South China Sea, ang tradisyon ng pagiging dominante nito ay hinahamon ng China sa pamamagitan ng pag-aangkin sa teritoryo.
Sa pagbisita kamakailan ni Ambassador Zhao sa Malacañang, iginiit niya ang kawalan ng pagnanasa ng China na harapin ang US o ang alinmang bansang naghahangad ng karapatan sa lugar sa isang militar na komprontasyon. Ngunit magpapatuloy ang panganib hanggang umabot sa isang kasunduan ang lahat ng sangkot.
Mangangailangan ito ng ilang ‘give and take’, lalo’t likas naman ito sa isang negosasyon. Umaasa na lamang tayo na mangyari na ito bago pa umaksiyon ang ilang maiiniting-ulong lokal na komander o piloto na taliwas sa kasiguraduhang iginigiit ng mga ambassador at ibang opisyal.