SA Angono, Rizal na tinatawag na Art Capital ng Pilipinas ay dalawa ang naging National Artist o Pambansang Alagad ng Sining. Sila’y sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro. Ang pagiging National Artist nina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro ay nagsilibing inspirasyon ng mga kabataan sa Angono na may hilig sa sining ng pagguhit, pagpipinta at musika. Ang mga likhang-sining at komposisyon nina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro ay may diwang Pilipino at pagka-makabayan na naging mahalagang yaman ng sining ng bansa. Si Maestro Lucio D. San Pedro ay hindi malilimot sa kanyang mga awitin at tugtugin gaya ng “Sa Ugoy ng Duyan” (lyrics ni Levi Celerio na isa ring National Artist), “Sa Mahal kong Bayan”, at ang symphonic poem na “Lahing Kayumanggi”.
Sa ngayon, marami na ang mga kabataan sa Angono, Rizal ang nagtagumpay sa sining ng pagguhit at pagpipinta. Ang mga likhang-sining nila’y nakilala rin at naging yaman ng mga kababayan natin na may pagpapahalaga at pagkilala sa sining. Ang legacy o pamana ni Carlos Botong Francisco sa sining ay naging daan din sa pagkakatatag at pagkakaroon ng samahan o pangkat ng mga pintor sa Angono, Rizal. Mababanggit ang Angono Ateliers. Ang pangkat na ito ng mga pintor sa Aagono, Rizal ay nakapag-exhibit na sa Angono at iba pang art gallery sa Metro Manila.
Ang art exhibit ay naging daan na makilala ang mga miyembro ng Angono Ateliers. May mga naatasan pa nga na gumawa ng art work sa mga gusali ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. May mga pintor naman na gumawa ng mural sa mga Simbahan, sa mga gusali ng iba’t ibang business establishment at sa mga bahay ng mayayamang negosyante.
Sa bahagi ng parangal sa pagiging National Artist ni Carlos Botong Francisco ay ganito ang isinasaad: Hindi lumayo si Botong Francisco sa sariling bayan; buong buhay niya’y itinalaga sa pag-aaral sa maraming tibukin ng kanyang kapaligiran. Ninais niyang maging pintor ng isang rehiyon lamang, subalit ang mga hangganan nito’y nilaktawan ng kanyang sining at naging tunay na pambansa.
Sa kanyang kamay, ang kahusayan at pananaw sa buhay ay nagsanib. Sa Makata ng Angono, ang sining ay hindi mapapaknit sa lupang sinilangan nito. Ang kanyag paksang-diwa na pambayan at pambansa ay naging pang-sangkatauhan at pandaigdig. Katulad ng isang punong-kahoy, malalim ang pagkakaugat ni Botong Francisco sa Angono. Ninais niya sa kanyang mga obra ang ligaya’t pagsisikap ng mga karaniwang tao na may nakaiinggit na katangian.
Sa larangan naman ng musika, naging inspirasyon si Maestro Lucio D. San Pedro ang pagkakaroon ngayon ng may walong banda ng musiko (brass band) sa Angono. Ang mga miyembro ng banda ay pawang kabataan na nagsisipag-aral sa high school, mga kolehiyo at pamantasan. Libre ang kanilang matrikula sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad at may mga nakapagtapos na at naging propesyonal.
Dati-rati’y dalawa lamang ang banda ng musiko sa Angono. Ang una ay ang Banda Angono No.1 na itinatag ni G. Elpidio San Pedro, ama ni Maestro Lucio D. San Pedro. Sa nasabing banda ay naging band conductor si Maestro Lucio D. San Pedro. Ngayon ay Angono National Symphonic Band na naiimbitahan sa mga bayan na nagdiriwang ng kanilang kapistahan. Sa bisperas ng pista ay nagkakaroon ng Serenata.
Bilang pagkilala at pagpapahalaga ng mga taga-Angono sa dalawang nabanggit na National Artist, ang relief sculpture ng mga likhang-sining ni Carlos Botong Francisco ay nakalagay sa mga bakod na pader ng mga bahay sa Barangay Poblacion Itaas. At sa bakod na pader ng Simbahan ng Parokya ni San Clemente.
Sa pinakadulo ng Bgy. Poblacion Itaas, sa bakod na pader ng bahay ni Ms. Irene Florisa ay nakalagay naman ang relief sculpture ng mga lyrics o titik at mga nota ng komposisyon ni Maestro Lucio D. San Pedro, ang “SA UGOY NG DUYAN”. Naroon din ang busto ni Maestro Lucio D. San Pedro na kumukumpas.
Sa bukana naman ng Bgy. Poblacion Itaas, nakalagay ang busto (bust) ng mga mukha nina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro. Sa ibaba na kinapapatungan ng dalawang busto ay mababasa ang nakaukit na mga titik ng pagkilala ng pamahalaan sa kanilang pagiging National Artist. Sa bahay naman ni Carlos Botong Francisco ay makikita ang inayos na lugar, na siyang lugar na pinagpipintahan ng National Artist. May ilang reproduction din ng likhang-sining ni Botong Francisco. Sa tabi ng bahay ay may ginawang art gallery na makikita rin ang ilang art-work niya. Ang art gallery ay nagiging venue o lugar din ng mga pintor sa Angono kung sila’y may art exhibit. Ang art gallery at bahay ni Botong Francisco ay nasa pangangalaga ni Totong Francisco, apo ng National Artist na isa ring pintor.
Halos linggu-linggo ay maraming mag-aaral sa Metro Manila at mga bayan sa karatig lalawigan ang nagtutungo sa bahay ni Carlos Botong Francisco. Tinitingnan at pinag-aaralan ang mga relief sculpture roon. May kinukunan ng larawan at video, habang iba namang estudyante ay nagpapakuha ng larawan na ang background ay ang mga relief sculpture ng art work ni Botong Francisco.
-Clemen Bautista