MAY kasabihang kung ano ang gusto ng Hari, ito ang masusunod. Sinabi ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na gusto ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na tumakbo na lang siya sa pagka-kongresista sa Taguig City sa 2019 mid-term elections.
Inamin ni Cayetano na nagkaroon sila ng puso-sa-puso na pag-uusap ng Pangulo tungkol sa pagtakbo niya sa Taguig City upang sa dakong huli ay hirangin siya bilang Speaker ng Kamara. Naniniwala si Cayetano na ang adhikain ni PRRD ay para sa kabutihan at kagalingan ng bayan at ng mga mamamayan kung kaya kasama siya nito.
Sa kanilang heart-to-heart talk, nagkasundo raw sila na ang gampanin at liderato sa Kongreso ay makabubuti sa bisyon o adhikain ng Presidente upang magkaroon ng katuparan. Bilang “isang mabuting sundalo”, tumalima siya sa kagustuhan ng Pangulo na iwanan ang Department of Foreign Affairs (DFA) at kumandidato sa pagka-kongresista.
Ang makakapalit ni Cayetano sa puwesto ay si Ambassador Teodoro “Teddy” Locsin na nakatalaga sa United Nations. Siya ay dating kongresista ng Makati City. Dati siyang Press Secretary si ex-Pres. Cory Aquino na gumanap din bilang presidential speech writer.
Matindi ang balasahan sa gabinete ni PDu30. Si Chief presidential legal counsel Salvador Panelo ang magiging presidential spokesman kapalit ni Harry Roque na ngayon ay nagbabakasyon. Ayon sa mga report, medyo nagtampo si Roque nang hindi ipaalam sa kanya ng Pangulo na ito ay nagtungo sa ospital para magpa-check-up. Nagbanta si Roque na magre-resign at tinugon siya ng Pangulo, “Sige mag-resign ka.”
Noong Huwebes, inilarawan bilang isang “madhouse” sa Commission on Elections (Comelec) ang unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga nagnanais na tumakbo sa iba’t ibang puwesto sa bansa. Iba’t ibang uri ng indibiduwal at karakter ang nag-file ng kanilang COC sa Comelec, kabilang ang nagsasabing siya ay asawa ni Kris Aquino; boy friend ni Mocha Uson; hari ng isang kingdom; at isang aspirante na responsable raw sa paborableng desisyon ng Arbitral Tribunal, na nagsasaad na hindi pag-aari ng China ang West Philippine Sea-South China Sea at ang Pilipinas ang may lehitimong pag-aari ng mga shoal, reef at iba pa sa WPS-SCS. Ito ang sitwasyon ng pulitika sa Pilipinas.
-Bert de Guzman