MAY pa-blogcon kay Joshua Garcia nitong Miyerkules para sa seryeng Ngayon at Kailanman. Post birthday celebration na rin niya ito, dahil katatapos lang niyang magdiwang ng 21st birthday kamakailan.
Inamin ng aktor na marami siyang natutunan sa seryeng dahil nagkaroon na siya ng self-confidence.
“Like sa pag-i-English, kapag nakikipag-usap ka. Natutuhan ko ‘yun sa character ko kasi grabe naman (mga dayalogo). Nasasanay nga ako kay Julia (Barretto). Parang siya ‘yung pinaka-exercise ko sa umaga (umpisa ng taping). Ha, ha, ha!
“Kasi kapag nag-uusap kami pa-English-English siya. Hindi ko naman namamalayan, nasasagot ko siya, English din,” tumatawa pa ring kuwento ni Joshua.
Pero inamin ng aktor na hirap siya sa drama.
“Kapag nahihirapan ako sa drama, tina-Tagalog ko na lang.”
Sa sobrang closeness nina Joshua at Julia ay walang maisip ang aktor kung ano pa ang mga nadiskubre niya sa aktres ngayong magkasama sila sa Ngayon at Kailanman.
“Wala akong maisip, eh. Sa sobrang close namin parang wala na akong (bagong nadiskubre). Pero magaling talaga si Julia sa acting. Sa mga eksena kasi, sa kanya lang ako humuhugot, like iyakan, ganyan. Siyempre kapag nakikita ko na siyang umiiyak, naiiyak na rin ako. ‘Di ba kapag nakikita mong umiiyak ‘yung mahal mo, naiiyak na rin kasi ang sakit nun.”Natanong din kung kumusta ang eksena ni Joshua sa mga veteran actresses sa serye, tulad nina Alice Dixson at Rosemarie Gil.
“Kay Miss Alice, hindi kasi kami masyadong nakakapag-usap kasi nahiya rin ako kay Ma’am Alice nung una. Pero sa katagalan ng tapings naming, at pumasok na kami sa karakter namin, malaya na kaming nakakagalaw kumpara rati na sobrang stiff.
“Tapos si Lola (Rosemarie) grabe, napakabait ng taong ‘yun. Siya ‘yung nakakausap ko talaga, nakakabiruan ko. Si Jameson (Blake) naman, ang tagal kong hindi nakaeksena si Jameson kasi isang linggo yata ako sa Gintong Pag-asa (lugar nina Julia), Pero okay si Jameson.”Natawa naman ang bloggers kay Joshua, bilang si Inno, nang aminin niyang natulala siya kay Iza Calzado sa unang beses na nakaeksena niya ito.
“Unang beses namin, siyempre confident si Inno kaya nakatitig lang siya (kay Rebecca, karakter ni Iza). Ang ganda ng mata niya! Na-amaze lang talaga ako. Nawawala nga ako, paulit-ulit nga kami. Buti si Direk naman supportive, tinatawanan na lang mga mali ko,” natatawang kuwento ng binata.
Kaswal lang daw ang eksena nila ni Iza.
“’Yung sa exhibit na in-invite niya ako, ‘yun lang.”
Inamin din ni Joshua na natuwa siya ngayong kasama na rin sa Ngayon at Kailanman si Pen Medina, na dati niyang acting coach.
“Nung nagsisimula pa lang ako, nagpa-coach ako ro’n nang isang buong araw. Ang gandang experience. Actually, relax lang siyang nagtuturo. Gusto lang niya normal lang. Nung una nag-uusap lang kami nang normal, tapos biglang, ‘o line ka na!’ Biglang ganun. Gusto niya talagang makuha ‘yung normal ko (na kilos),” kuwento ni Joshua.
Samantala, sa nakaraang 2018 ABS CBN Ball ay hindi pala pabor si Joshua sa suot ni Julia, na gawa ni Mark Bumgarner, dahil sobrang sexy ito.
“Sexy, oo. Pero at the same time ayaw ko rin kasi siyempre naman, labas ‘yung (minuwestra ang gilid ng boobs). Wala tayong magagawa, ‘di ba? Pero nung nasa event na kami mismo, siyempre ang daming tao, daming kausap hindi na ako nakaramdam ng pag-aaala na baka mabastos o ano. May tiwala ako kay Julia.
“Biniro ko nga na sabi ko nakita ko na ‘yung gown niya pero hindi pa, kaya nung makita ko, nagulat ako. Biniro ko pa nga, ‘oh, psst, psst’ hindi ko alam na nandoon si Tita Marj (Marjorie Barretto) kaya sinita ako. Eh, pumayag din naman si Tita Marj (sa suot ni Julia) kaya okay na rin,” kuwento ni Joshua.
Pero kung si Joshua ang masusunod?“Gusto ko na mas taklob siya, kasi conservative ako. Pero siyempre gusto ko na ganoon siya kasi gusto kong makita ng lahat kung gaano siya kaganda, ma-appreciate nila kung gaano siya ka-sexy, iyong paghihirap niya sa diet niya.”
Anyway, natanong si Josh kung may wish siyang hindi pa natutupad sa estado niya ngayon.
“Siguro (nag-iisip), kasi nag-iiba tayo ng wish habang lumalaki tayo at depende sa sitwasyon mo. Ako sa sitwasyon ko ngayon, gusto ko nang magkaroon ng sariling bahay para sa parents ko, sa ate ko. Hirap din kasi ng umuupa ka, palaki nang palaki ang binabayaran. Sa ngayon kasi nag-iipon pa ako. Kasi ang totoo, gusto kong bumili ng bahay para sa mama ko, kasama ng ate ko para magkakasama na kami,” seryosong sabi ng aktor.
May ibang mga kapatid daw si Joshua sa father side, at nasa Batangas daw ang mga ito. Sila naman ng ate niya ay nag-aaral dito sa Manila.
Ano ang isa pang wish ng binata na hindi pa niya nakukuha?“Gusto ko ‘yung Game Boy. Kasi iyon ang uso nun. Akala ko ‘yung brick game, ‘yun ‘yung Game Boy. Ito masama ‘to, kumupit pa ako sa lola ko para lang makabili ng brick game.”
Patuloy na humahataw sa ratings game ang Ngayon at Kailanman, at never pang umabante ang katapat nitong programa sa GMA 7, dahil sa pitong linggong airing ng JoshLia ay hindi man lang makakalahati ang Onanay.
Nitong Martes, nagtala ang Kapamilya serye ng 29.5%, samantalang ang katapat nito ay 16.8%, base sa Kantar Media survey.
Napapanood ang Ngayon at Kailanman gabi-gabi, pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN.
-Reggee Bonoan